Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
8 p.m. Air21 vs. San Mig
SUSUNGKITIN na ng SanMig Coffee ang ikalawang Finals berth sa paghaharap nila ng Air21 sa Game Four ng best-of-five semifinals series ng PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s Cup mamayang alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Ang Mixers, na naghahangad ng ikatlong sunod na Finals appearance, ay nakalapit sa layuning iyon nang magtagumpay sila sa Game Three, 85-73, noong Sabado para sa 2-1 bentahe.
Kung mananalo muli sila mamaya ay makakaharap na nila sa best-of-five Finals ang Talk ‘N Text na hindi pa natatalo sa torneyong ito. Winalis ng Tropang Texters ang nine-game elims, tinalo ang Barangay Ginebra sa quarterfinals at winalis ang Rain Or Shine, 3-0, sa semifinals.
Ang Air21, na pumampito sa elims ay nagwagi ng dalawang beses kontra San Miguel Beer sa quarterfinals upang makaharap ang Mixers na dinaig nila, 103-100, sa Game One ng semis kung saan gumawa ng 29 puntos si Sean Anthony.
Pero nagtamo ng injury si Anthony na naliimita sa walong puntos sa Game Two kung saan nagwagi ang SanMig Coffee, 82-75, upang makatabla, 1-all.
Noong Sabado ay tuluyang hindi nakapaglaro si Anthony at ito ang nagsilbing malaking diperensiya sa laro. “Without Anthony there, it put a lot of pressure on (Wesley) Witherspoon to carry his team.
Without Anthony, we had to focus on Witherspoon. We tried to limit him but he did a lot,” sabi ni San Mig coach Tim Cone.
( Photo credit to inquirer news service )