Hula ni Greenfield (Bandera resident psychic): Bagsak na ekonomiya, gulo, pag-aalsa

Ni Joseph Greenfield

Ikatlong serye

SA ikatlong hati ng taon, sa buwan ng Hulyo hanggang Setyembre, habang sagad na sa paghihirap ang bansa, maraming mga kabataang babae ang mabubulid sa mahahalay na gawain.

Sila ay magbebenta ng katawan upang maisalba ang kanilang pamilya sa kagutuman. Hanggang sa tuluyang mamayani ang kaimoralan at paglapastangan sa kabutihang asal.

Sa panahon ding ito ang R.H. bill sa Kongreso ay tuluyan nang magiging batas. Hanggang sa tuluyan nang maliligaw ng landas ang mga tao, mapapabalita ang pagsamba at iba’t ibang ritual na patungkol sa mga hayop at halaman. Sa panahon ding ito lilitaw ang ibat ibang grupo na magtatayo ng bagong relihiyon at iba’t ibang uri ng mga kulto. Ang paglaganap ng iba’t ibang kulto ay magaganap at masasaksihan sa mga pangunahing lunsod sa Visayas at Mindanao.

Sa huling hirit at hati ng taon, sa buwan ng Oktubre hanggang Disyembre, maraming maglalabasang bulaang propeta, sa Bataan, Laguna, Cavite, Caloocan at Bulacan.  Isang babae ang magpapakilalang siya “ang sugo ng Diyos” na magliligtas sa Pilipinas sa kagutuman at kahirapan.  Gagawa siya ng maraming kagila-gilalas t mahimalang mga bagay. Ngunit  hindi siya paniniwalaan, ipapalagay siyang nababaliw, ganonpaman, marami pa ring sasama, sasanib at makikilahok sa kanyang bagong grupong tatawaging “Ang Bagong Tagapagligtas,” kasabay ng paglitaw ng mga bulaang propeta at iba’t ibang kulto, habang nalalapit ang Dis. 21, na siya ring araw kung saan ay tinatawag na “pagkagunaw ng mundo”, lalong darami ang maliligaw ng landas, at magugulumihanan, iisipin ng mga tao  at itatanong sa kani-kanilang sarili: “Malapit na nga ba ang wakas?”

Habang kasabay din nito, sa buwan ng Oktubre hanggang Disyembre, sa mga petsang 3, 12, 21, 30, 5, 14, 23, 4, 13, 22, at 31, sa araw ng  Biyernes, Sabado, at Linggo, mapapabalita ang iba’t ibang “apparitions ni Jesus at ng Mahal na Birhen” sa mga kabundukan at liblib na lugar ng Davao, Bukidnon at Koronadal, gayon din ang paglabas ng iba’t ibang uri ng nilalang sa kalawakan, at sa baybayain ng Zambales, Bataan, Tuguegarao, Aurora, Isabela at Quezon, na tataguriang mga taga-ibang planeta o UFO.

Habang sa huling hati ng taon, sa sandaling kalat na ang kalamidad at kahirapan ay lalaganap sa buwan ng Nobyembre hanggang Disyembre, sa petsang 6, 12, 13, 21, 22, 27, at 30, at dahil na rin sa pag-aakala ng mga taong “nanalapit na ang wakas” at ang “alignment ng mga planeta” sa kalawakan ay malapit na ngang maganap ang “lunatic experience” ng mamamayan.  Marami ang mapapabalitang “sinasaniban ng masamang espirito” kasabay ang titinding “mass hysteria” sa mga eskuwelahan, gayon din ang mga pangunahing leader ng bansa at ng buong mundo, ay makararanas ng pansamantalang”lunatic experience,” magkakamali sila ng mga desisyon, at dahil dito, lalong babagsak ang ekonomiya, mag-aalsa ang mga tao sa gobyerno at sa umiiral na pamahalaan, magtatayo sila ng bagong grupo na nakatuon sa espiritualidad, magkakaroon ng mga lihim na pagkilos upang itatag ang bagong sistema sa buong bansa at maging sa buong mundo.

Hanggang sa pagtangkaan ang buhay ng pangulo ng US na si Barack Obama, na maaari niyang ikasawi. Ngunit upang magtagumpay ang pagpapalit ng gobyerno o sistemang umiiral, hindi lamang dito sa Pilipinas kundi maging sa US isang “sinasapian” ang magwawagayway ng bandilang berde na sumisimbolo ng pagbabago. Sa ganitong sitwasyon, lalong magugulo ang Pilipinas at ang buong mundo, hanggang sa tuluyan nang sumiklab ang Ikatlong Digmaang Pandaigdig, na pangunguna ng bansang China at America.

Ganonpaman sa larangan ng siyensiya at teknolohiya, sa buwan ng Disyembre, sa mga petsang 3,12,21,30, 7, 16, 25, 5, 14, at 23, sa araw ng Lunes, Biyernes at Sabado, sa kabila ng kalamidad at sakuna at pagpa-panic ng mga tao sa pagdating ng wakas, makakaimbento ng isang mahiwagang tabletas na sa sandaling ininom ay hindi na tatanda ang tao, ganon din naman makakaimbento ng robot, na may kakayahang magpagaling ng sari-sari at iba’t ibang uri ng karamdaman, na tatawaging “robotic medicine”, habang sa panghimpapawid na larangan, ganap ng mapapamahayan ng tao ang Buwan habang ang planetang katulad ng mundo na Kepler 22b ay maaari naring mapuntahan sa pamamagitan ng high tech at makabagong space shuttle na tatawaging “space shuttle 2023”.  Mangyayari upang kapag ganap ng nasira at nagunaw ang mundo, may dalawang ligtas na lugar, una ay sa Buwan at pangalawa, sa Kepler 22b, na mapapanirahan ang mga tao.
Itutuloy

Read more...