Casimero nahubaran ng titulo


ISINUKO na ni John Riel Casimero ang International Boxing Federation (IBF) junior flyweight title nang hindi naabot ang 108-pound limit sa weigh-in kahapon.

Hindi na nagtangka pa ang 24-anyos na tubong Ormoc City na sumubok uli sa timbang dahil pumasok siya sa mabigat na 113 pounds.Ang challenger na si Mauricio Fuentes ng Colombia ay nasa eksaktong 108 pounds.

Sa pagkakahubad ng titulo ni Casimero, maiiwan na lamang bilang kampeon ng Pilipinas sina World Boxing Organization (WBO) light flyweight champion Donnie Nietes at WBO welterweight champion Manny Pacquiao na mga world champions sa sport na ito.

Matutuloy ngayong gabi ang bakbakan sa Waterfront Hotel and Casino sa Cebu City pero kung manalo si Casimero ay idedeklarang bakante ang kampeonato sa dibisyon.

Kung ang No. 12 ranked contender na si Fuentes ang manalo, siya ang kikilalaning bagong kampeon.Ito sana ang ikaapat na pagdepensa ni Casimero sa titulong napanalunan noong Pebrero 10, 2012 nang hiritan ng technical knockout panalo sa 10th round si Luis Alberto Lazarte na ginawa sa Buenos Aires, Argentina.

Matagumpay na naidepensa ni Casimero ang titulo sa tatlong pagkakataon laban kina Pedro Guevara ng Mexico noong Agosto 4, 2012; Luis Alberto Rios ng Panama noong Marso 16, 2013 at Felipe Salguero ng Mexico sa Makati Coliseum noong Oktubre 26.

Ang 24-anyos na si Fuentes ay lalaban sa unang pagkakataon sa labas ng Colombia at pilit niyang kakapitalisahin ang break na napunta sa kanya sa pagsubi sa titulo matapos ang 12 round.

( Photo credit to inquirer news service )

Read more...