ANTI-poor umano ang inaprubahang panukala ng Kamara de Representantes a magbabawal sa mga bata na makasakay ng motorsiklo.
Ayon sa ilang motorcycle rider na nag-aangkas ng kanilang mga anak patungong eskwela, isa umano itong parusa sa kanila dahil hindi na nila maihahatid ang mga anak sa kanilang mga paaralan.
Ibig sabihin nito ay dagdag gastos para sa kanila ang panukala sa sandaling maging ganap na batas ito.
“Imbes na makatipid kami sa pasahe sa paghahatid sa aking mga anak na maliliit ay dagdag gastos na naman ito,” sabi ni Federico Angeles na isang motorcycle rider mula sa Paranaque City.
Sa ilalim ng House bill 5626 o ang Motorcycle Safety for Children Act, ipagbabawal ang pagsakay ng 10-anyos na bata pababa sa motorsiklo sa highway.
Subalit kapansin-pansin na naging malamya ang panukala dahil papayagan ang bata na sumakay ng motorsiklo kung magsusuot ito ng helmet batay sa nakasaad sa Motorcycle Helmet Act (RA 10054), kung makasasampa ang paa nito sa footrest at kung makahahawak ito sa bewang ng driver.
“Doon sa sinasabi nilang pwede pa rin namang makasakay yung mga bata basta makakatungtong ito sa footrest at may helmet ay malabo rin.
Katulad ng anak ko na sadyang maliit pa, talagng hindi aabot yung paa niya sa tungtungan dahil five-years old lang.
“Dahil don maoobliga kami na mag-commute at gumastos ng karagdagan sa pasahe imbes na pambaon na lamang ito,” dagdag pa ni Angeles.
Malungkot din si Gina Fajardo ng Navotas sa pagkakapasa ng panukala.
“Ginagamit namin ang motor sa biyahe dahil tatlo kami sa pamilya. Hindi naman pwede na yung mister ko naka-motor tapos kami nung baby ko nagko-commute. Sobrang gastos nito sa amin.
Kaya nga kami nangutang ng pambili ng motor para makatipid kami,” paliwanag ni Fajardo.
Sinabi ni Caloocan Rep. Mary Mitzi Cajayon, isa sa mga may-akda ng panukala na lilimitahan sa dalawa ang maaaring sumakay ng sabay sa motorsiklo maliban na lamang kung ang naturang sasakyan ay gagamitin sa emergency.
Ang mga lalabag ay magmumulta ng P3,000 sa unang pagkakasala, P5,000 sa ikalawa at P10,000 sa ikatlong pagkakasala na dinagdagan ng pagsuspinde ng isang buwan sa lisensya ng driver.
Kung hihigit sa ikatlo ang paglabag, tuluyan nang kakanselahin ang lisensya.—May dagdag na ulat ni Leifbilly Begas