Kathniel fans mas naging wild

DANIEL PADILLA AT KATHRYN BERNARDO

GRABE ang trapik sa buong Metro Manila noong Miyerkules mula sa kahabaan ng SLEX, NLEX hanggang sa EDSA isama pa ang ibang kalye sa Maynila at Quezon City. Pero hindi ito naging hadlang para hindi makarating ang sandamakmak na supporters nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo sa “DOS” concert na ginanap sa Araneta Coliseum.

Hindi lang naman ang Big Dome ang punumpuno bossing Ervin, maging ang mga sinehan din sa buong Metro Manila ay puno rin dahil opening day din ng “The Amazing Spiderman 2” ni Andrew Garfield.

Bakit namin sinulat ang “The Amazing Spiderman 2”? Kasi, baka natalo uli ito in terms of box-office sa “DOS” concert ni Daniel tulad ng pagkakatalo ng nasabing Hollywood movie sa kinita ng “My Little Bossings” noong nakaraang taon. Ha-hahaha!

Pero siyempre, obvious na mas malaki ang kinita ng “Spiderman 2” dahil showing ito sa halos lahat ng sinehan sa buong bansa, pero hindi rin nagpahuli ang “DOS” ni Daniel dahil soldout ang tickets nito, bukod pa ‘yan sa pay per view para sa supporters ng batang aktor na hindi nakaluwas ng Maynila. Soldout din ang DJ pillows, posters, CDs, at simcard ng ABS-CBN mobile na ibinenta sa Big Dome.

Sa pagsisimula ng show, hinanda na namin ang aming dalawang tenga sa tilian at padyakan ng fans, pero wala pa rin, dahil hindi lang tenga namin ang nagdusa, kundi pati leeg dahil ang fans ng aktor ay hindi nagkasyang manood nang nakaupo maski na nasa Patron seats na sila dahil nagtayuan pa ang mga ito.

At nang magbanyo naman kami akala talaga namin ay may lindol dahil pati sa loob ng CR ay ramdam namin ang pagyugyog ng nagsisigawang fans.

Ayon sa Star Events ay sa susunod na taon na raw ulit mgako-concert si DJ dahil bisi-bisihan na ito sa gagawin nilang pelikula ni Kathryn Bernardo na “She’s Dating The Gangster” na ididirek ni Cathy Garcia-Molina at gagawa na ulit sila ng teleserye.

Kasama naman sa special guests ng singer-actor ang ipinagmamalaki ng Tacloban City na Reo Brothers, ang bandang Parking 5 na binubuo nina JC Padilla, Cedric Gothico , Katsumi Kabe at Lester Giri na nag-perform habang tumutugtog si Daniel ng base guitar. Hiyawan din ang audience nang lumabas si Khalil Ramos, nag-duet sila ni Daniel ng “Liwanag Sa Dilim”.
At nang ipakilala na ni DJ ang idol niyang si Rico Blanco ay talagang hiyawan ang mga tao, kinanta nila ang “Umaaraw-

Umuulan”, as in wala na kamig narinig sa kanta ng dalawa dahil sa hiyawan ng audience.

Sumunod na guest ni DJ ay si Toni Gonzaga na tuwang-tuwa dahil naging parte daw siya sa Daniel Padilla fever, nag-trending ang guesting na iyon ni Toni sa social media. At ininggit pa ni Toni ang fans ni DJ, “I’m sure lahat kayo gusto halikan si Daniel. I’m sure lahat kayo gusto yakapin si Daniel.

“So in behalf of all of you, ako na lang ang gagawa! Sorry this is my chance. Tumanda-tanda ka lang ng konti delikado ka sa akin, e!” biro ng dalaga kaya tawanan ang tao.

Na-touch naman kami nang kantahin ni Daniel ang “In My Life” dahil ito pala ang kanta nila ng kanyang mamama, dito na lumabas ng stage si Karla Estrada na naka-black gown. Biro nga sa kanya ni Vice Ganda, “Puputok na ang gown mo.”

Guest din ng binata si Richard Yap na nagparinig pa na posible raw na paglaki ng anak nila ni Maya (Jodi Sta. Maria) sa Be Careful With My Heart ay si Daniel ang gumanap. Sabi pa ni Sir Chief , 18th birthday ng anak niya pero dahil malakas si Daniel sa kanya kaya dumating siya sa concert nito.

At siyempre, ang pinaka-inabangan ng lahat ay ang paglabas ng love of his life na si Kathryn Bernardo na nakasuot ng white long-sleeved backless gown habang kinakantanan siya ng binata ng “Put Your Head On My Shoulders”.

Sa totoo lang, dito na kami naloka dahil wala na talaga kaming narinig dahil nagwawala na ang lahat ng supporters ng dalawa.

Pagkatapos ng kanta ay pinasalamatan ni Daniel si Kathryn dahil sobrang pinasasaya siya ng dalaga, “Alam mo kasi importante ka sa akin,” say ng binata.

Dito na kinanta ng dalawa ang theme song nilang “Got To Believe In Magic”. Nag-trending din sa social media ang eksena kung saan hinalikan ni Daniel sa pisngi si Kathryn.

Read more...