AIR21 asinta ang 2-0 Semis lead

Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
8 p.m. Air21 vs
San Mig Coffee

HINDI lilihis ng landas at ipagpapatuloy ng Air21 ang pagsugod sa kanilang pagtatagpo ng San Mig Coffee sa Game Two ng PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s Cup best-of-five semifinal series mamayang alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Ginulat ng Express ang karamihan nang talunin nila ang Mixers, 103-100, sa series opener noong Martes. Ito ang ikatlong sunod na impresibong panalo ng Air21 na pumasok sa quarterfinals bilang No. 7 seed at nakalaban ng No. 2 seed San Miguel Beer na mayroong twice-to-beat advantage.

Tinalo ng Express ng dalawang beses ang Beermen upang marating ang semis sa kauna-unahang pagkakataon sa ilalim ng prangkisa ng Shopinas.

“This is just a small step for us in this series. We still need two more wins. The beauty right now is that we’re staying within our course. We’re the uninvited guest but we’re here to seize the moment,” ani Air21 coach Franz Pumaren.

Sa Game One ay nakipagsabayan lang ang Express sa Mixers na lumamang sa huling pagkakataon, 87-85. Isang three-point shot ni Aldrech Ramos ang nagbigay ng abante sa Air21, 88-87.

Matapos iyon ay naagawan ni Joseph Yeo si Mark Barroca at nakakumpleto ng three-point play upang lumayo ang Air21, 91-87.
Nakalamang ang Air21 ng sampung puntos bago na-thrown out si San Mig Coffee coach Tim Cone matapos na matawagan ng dalawang technical fouls bunga ng pagrereklamo sa inaakala niyang travelling violation na dapat isinampa kay Paul Asi Taulava.

Pinangunahah ni Sean Anthony ang Air21 nang gumawa ito ng 29 puntos. Nagdagdag ng 25 puntos si Wesley Witherspoon. Nagtapos din na may double figures sa scoring sina Taulava na may 14 puntos at Yeo na may 11.

Pinangunahan ni James Mays ang Mixers nang gumawa siya ng 27 puntos. Nagtala ng tig-11 sina Barroca at Peter June Simon at gumawa naman ng tig-10 sina Joe Devance at Ian Sangalang.

Animo’y kontrolado ng San Mig Coffee ang laro nang lumamang ang Mixers, 74-66, papasok sa ikaapat na yugto. Subalit hindi bumigay ang Air21.

“It’s really a team effort. One thing good about my team right now is that we just don’t want to quit. We hustled for  every loose ball,” ani Pumaren na umaasa ng mas matinding pagpupunyagi buhat sa kanyang mga bata para sa 2-0 kalamangan sa serye.

Subalit nangako si Cone ng mas magandang resbak buhat sa Mixers at sinabi niyang kailangang mapanatili nila ang kanilang konsentrasyon sa kanilang misyon upang makatabla.

( Photo credit to INS )

Read more...