Julie Anne sa paglipat ABS-CBN: Tingnan po natin, pero masaya naman ako sa GMA!


HINDI diretsong sinagot ni Julie Anne San Jose ang issue tungkol sa napabalitang lilipat na siya sa ABS-CBN at lalayasan na ang GMA 7.

Ayon sa singer-actress, nagulat din daw siya nang makarating sa kanya ang balita dahil wala raw siyang kaalam-alam tungkol dito. Pero aniya, hindi naman daw niya isinasara ang kanyang pintuan sa mga bagong challenges sa kanyang career, kabilang na nga ang pagtatrabaho sa ibang network.

“Pero ang masasabi ko ngayon, masaya naman po ako sa GMA, but let’s see, hindi naman po natin kasi masasabi kung ano ang mangyayari in the future, di ba? But I can say, happy naman po ako kung nasaan ako ngayon,” ang pabiting sagot ng Kapuso star sa presscon ng bago niyang TV commercial bilang bagong endorser ng Careline beauty products.

Si Julie Anne ang ikaapat na local celebrity na naging brand ambassador ng Careline, una si Toni Gonzaga, sumunod si Sarah Geronimo at ikatlo si Erich Gonzales.

Natanong si Julie Anne kung may pressure ba sa kanya na maihilera sa tatlong Kapamilya star. “Wala naman po, pero siyempre, kailangan mapatunayan ko sa lahat na hindi nagkamali ang Careline sa pagkuha sa akin bilang endorser nila.

Yung trust na ibinigay nila sa akin,” chika ni Julie Anne na ang laki na nang ipinayat at fresh na fresh din ang kanyang aura ngayon.

Ayon naman sa mga taong nasa likod ng Careline, napili nila si Julie Anne matapos silang magsagawa ng pag-aaral, at isa nga sa naging factor ng kanilang pagpili ay ang pagiging sikat ni Julie Anne sa social media, lalo na sa Instagram at Twitter.

At dahil ang target market nga nila ay ang mga kabataan tulad ng Kapuso star, naniniwala silang malaki ang maitutulong ng dalaga sa kanyang produkto.

Samantala, sinamantala na ng press ang pagkakataon na tanungin si Julie Anne tungkol sa dati niyang ka-loveteam na si Elmo Magalona na ka-partner na ngayon ni Janine Gutierrez.

Sey ng singer-actress, okay lang sa kanya kung magkatrabaho uli sila ni Elmo in the future, wala naman daw silang issue noong magkahiwalay sila as screen lovers.

“Wala naman po akong problema doon. Kahit sino naman pwede kong makatrabaho. Tsaka makaibigan pa rin kami ni Elmo. But like I always say, tulad niya, gusto ko ring mag-explore sa career ko, innovate din para mag-grow as an individual, as an artist.

Ang mahalaga po kasi para sa akin, trabaho lang talaga. Tungkol naman sa pamba-bash daw ng fans nila ni Elmo kay Janine, nalulungkot siya kung totoo man daw ito, pero hindi naman daw kasi nila kontrolado ang mga bagay-bagay, lalo na ang netizens, ang magagawa lang niya ay ang makiusap sa mga ito na sana tigilan na ang bashing sa mga celebrities na wala namang ginagawang masama.

At siyempre, mawawala ba ang tanong tungkol sa hindi mamatay-matay na isyu sa kanila ni Daniel Padilla? Muli itong naungkat sa nasabing presscon, pero naging maingat naman si Julie Anne sa pagsagot, ayaw na raw kasi niyang lumaki pa ito.

Tinanong kasi siya kung nagkita na sila ni Daniel, anang dalaga, hindi pa raw, pero matagal na raw tapos ang isyung ito at sana raw ay huwag nang buhayin pa.

Pero hirit ni Julie Anne, “Hindi po ako ‘yung ganu’ng tipo ng tao, hindi po ako nang-aapak o naminmintas.”

( Photo credit to EAS )

Read more...