Ni Leifbilly Begas
NANGANGANIB na mawalan ng trabaho ang may 400,000 Pilipino sa bansa kung matutuloy ang isinusulong na panukala sa US Congress na papatay sa business processing outsourcing sa bansa.
Sinabi ni House committee on public information chairman Ben Evardone na dapat magpadala ng matinding lobby group ang Pilipinas sa US upang hindi maipasa ang US House bill 3596 o ang “Call Center and Consumers Protection Bill” na inihain noong Disyembre 7 nina Representatives Tim Bishop (New York), David Mckinly (West Virginia) at Mike Michaud (Texas).
Ayon kay Evardone, maraming pulitiko sa Amerika ang nagsusulong ng mga popular na panukala gaya nito dahil ang 2012 ay election year at maraming Amerikano ang walang trabaho ngayon.
“We have to act immediately by sending a strong lobby team in the US. I believe this will kill the BPO industry in the country,” ani Evardone.
Sa ilalim ng US bill, ang mga US companies ay pagmumultahin ng $10,000 kada araw kung mabibigo sila na ipaalam sa US Department of Labor sa loob ng 60 araw kung nasaan ang kanilang mga offshore location.
Bibigyan ng opsyon ang mga caller kung ang gusto nilang kausap ay US-based operator o hindi.
Hindi rin pauutangin sa loob ng limang taon ang mga US companies na magtatayo ng Call Center sa labas ng Amerika.
Sinabi ni Evardone na umaabot na sa $9 bilyon ang kinikita ng BPO sa bansa na nakakatulong ng remittance ng OFW sa pagsulong ng ekonomiya.
READ NEXT
Paglayas ni Iza sa GMA7 ‘HINARANG’
MOST READ
LATEST STORIES