Ilaglag na ang lahat

BAGO ang pagdating ni US Pres. Barack Obama, ang mainit na isyu sa bansa ay ang pagkanta ng tinaguriang pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles.

Marami ang nagtatanong kung bakit biglang napakanta si Napoles samantalang una na niyang pinasinungalingan ang mga alegasyon sa kanya ng mga dati niyang empleyado.

Kung totoo ang mga balitang lumabas na maraming ikinantang pangalan si Napoles, hindi ito biro.

Maraming lilikhaing kaaway si Napoles, lalo at ang gusto ng maraming nakatransaksyon niya ay mapatay na ang sunog at huwag ng umabot sa kanila.

Nagkaroon kaya ng divine intervention kaya bigla siyang kumanta?

May nagtatanong din, alam kaya nina Sen. Juan Ponce Enrile, Sen. Ramon Bong Revilla Jr., at Sen. Jinggoy Estrada ang ginawang pagkanta ni Napoles?

Remember, kumanta si Napoles ilang araw matapos umuwi si Gigi Reyes, ang ex-chief of staff ni Enrile na inakala ng lahat ay hindi na muling magpapakita pa matapos pumutok ang kontrobersya.

Duda ang ilan na alam ng mga pinangalanan na kakanta si Napoles at maaari umano itong isang estratehiya para maabsuwelto silang lahat.

Kung susumahin daw umano kasi ang pahayag ng mga nasabit partikular sina Estrada at Revilla, ang sinasabi nila ay bakit sila lang?

Si Estrada ay nagbanggit ng mga pangalan na malapit sa Palasyo samantalang ang dahilan ni Revilla ay pinupolitika lamang siya.

Marami umanong sabit sa pork barrel scam pero iilan lang silang nadidiin.

At sa pagkanta ni Napoles ay damay-damay na. Lahat isama na, pati ‘yung mga hindi naman talaga kasali ay ilagay sa listahan para umano magulo ang mga ebidensya at maglabo-labo na ang istorya.

Kung magkakaganito, malaki umano ang tiyansa na mabasura ang mga kaso dahil sa magulong ebidensya.

Baka kaya biglang pumreno ang Department of Justice sa paglalabas ng affidavit ni Napoles, baka sa huli ay pagsisihan nila kung gagamitin ito.

Baka sa huli ay sila ang masisi kung bakit walang naparusahan sa pork barrel fund scam.

Ang isa pang tanong ay kung sino ang ituturo ni Napoles na siyang utak ng scam.

Lumabas na ang pangalan ni DBM Sec. Florencio Abad, pero mukhang hindi lahat ay nakumbinsi rito.

Ang scam kasi ay nagsimula noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo, ngayon ay kongresista ng Pampanga.

At sino ba naman si Abad noong panahong
iyon? Huwag kakalimutan na si Abad ay isa sa tinaguriang Hyatt 10 na nanawagan ng pagbaba sa puwesto ni Arroyo.

Napakasuwerte naman siguro ni Abad kung may say siya sa pagpunta ng pork barrel sa mga non-government organization ni Napoles.

Baka ngayon siguro posible pa.

Kailangan nang kakuntsaba sa DBM para makuha ang listahan ng mga lalabas na pork barrel.
Sana lang sa dulo ng istoryang ito ay may maparusahan.

Hindi sana magaya sa ibang kaso na pinalamig lang at nang wala ng nakabantay ay nabasura na.

May nais ka bang isumbong sa TROPA? o may komento at tanong? I-text ang iyong pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.

 

Read more...