Mali ang pag-escort kina Cedric, Zimmer

NAKITA natin sa peryodiko at sa TV news na nakaposas sina Cedric Lee at Simeon Palma habang sila’y hinahatid ng kanilang mga captors sa National Bureau of Investigation (NBI) headquarters sa Maynila ga-ling ng Tacloban City.

Nahuli sina Lee at Palma, a.k.a. Zimmer Raz, na nagtatago sa Eastern Samar ng mga NBI agents at isinakay ng eroplano sa Tacloban City airport patungong Maynila.

May napuna ang in-yong lingkod na pagkakamali ng NBI sa pagposas kina Lee at Palma: Dapat ang posas ay nasa likuran at di sa harapan.

Sa aking pagiging police reporter ng matagal na panahon, ibig kong pumuna upang di na maging katawa-tawa sa susunod ang ating mga alagad ng batas.

Ang paglagay ng posas sa harapan ng isang crime suspek ay matagal nang di ginagawa ng mga alagad ng batas ng ibang bansa.

Palaging nasa likuran ang pagposas o dili kaya ay nakaposas ang suspect sa kanyang police escort.

Kung kayo’y mapunahin, sa English detective stories sa TV mapapansin na ang suspek ay pinoposasan sa likod at hindi sa harap.

Bakit ‘kanyo? Dahil baka makatakas ang suspek.

Kapag nasa harapan ang pagposas sa suspek, madali niyang maaagaw ang baril ng kanyang police guard o escort.

O kaya’y puwede niyang sakalin ang guard o escort sa pamamagitan ng kanyang posas.

Imposibleng makapang-agaw ng baril o manakal ng kanyang escort ang isang suspek kapag sa likuran siya pinosasan.

Ang mga suspek na gaya nina Lee at Palma ay delikadong mabigyan ng puwang ng kanilang mga escorts dahil sila’y bihasa sa martial arts at mga matitipuno dahil nag-eensayo sa gym.

Kung ako ang nasa kalagayan nina Lee at Palma at alam kong wala nang pag-asang makakaligtas sa habambuhay na pagkabilanggo, magbabakasali akong agawan ang aking mga NBI escorts ng baril.

Akala ko ba ay mas mautak ang mga NBI sa mga pulis dahil marami sa kanila ay mga abogado at may mas mataas na pinag-aralan kesa sa mga pulis?

Bakit mukha silang tanga sa pag-escort kina Cedric Lee at Simeon Palma?

Police reporter pa ang inyong lingkod noon nang dalawang pulis-Maynila ay pinatay ng isang loko-lokong hinatid nila sa National Mental Hospital sa Mandaluyong.

Walang posas ang mga pulis, na mga taga-mobile patrol division, kaya’t tinalian nila ang lalaki na nagwawala sa kanilang lugar at hinatid sa “mental.”

At saan nila tinalian ang loko-loko? Sa harapan!

Nakalas ang tali ng sira-ulo habang ang dalawang pulis ay nakikipag-usap sa front desk ng mental upang mai-turn over ito.

Binunot ng sira-ulo ang baril na nasa holster ng isa sa kanyang police escorts at pinagbabaril niya ito.

Natulala ang kasamang escort at di nakakilos kaya’t sinunod siyang barilin at close range ng baliw.
Di na natuto ang mga alagad ng batas sa nangyari noon sa National Mental Hospital.

Kapag ako’y nakakakita ng mga detainees na ineeskortan sa korte ng mga taga-Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), ako’y nangingilabot at napapailing na lamang dahil sa kadalasan ay walang posas ang mga detainees.

Paano kung biglang mag-usap na sabay-sabay na magwala ang mga ito at mang-agaw ng baril at mang-hostage ng mga inosenteng tao sa korte o sa corridor patungong korte?

Dapat siguro ay mag-aral ng mabuti ang ating mga alagad ng batas sa paghawak ng mga suspek o detainees.

Read more...