WALANG pakialam ang Pilipinas, ang tanging bansang Katoliko sa South East Asia at nananatiling nakararami, naniniwala’t naglilingkod sa Panginoong Hesukristo (bagaman ang pangulo ay tinawag at binansagan ni Luis Cardinal Tagle na “non-practicing Catholic” noong Semana Santa) kung ang banal na seremonya sa pagiging santo nina Pope John Paul II at Pope John XXIII ay kahina-hinalang binansagan para mapagkaisa ang mga konserbatibo (makaluma) at repormista (mestisong [hilaw] makabago) sa Katolisismo.
Ang labi ni John XXIII ay hindi naagnas, at ito tinawag na uncorrupted. Uncorrupted din ang mga labi nina Padre Pio, na nakalagak sa Shrine of San Giovanni Retondo; at St. Bernadette, sa Nevers, France, ang pinaghimalaan ng Mahal na Birhen ng Fatima.
Tatlong beses na hinukay sa kanyang libingan si St. Bernadette at ni minsan ay di ito namaho, o nagpakita ng pag-aagnas, o pagkabulok. Si John Paul II ay tatlong beses na dumalaw sa Pilipinas.
Ang una ay hindi napabalita dahil nagmisa lang siya sa Baclaran, na hanggang ngayon ay bantog sa buong mundo na tuwing Miyerkules, lalo na ang primer Miyerkules ng buwan, ay sinasambahan, niluluhuran at nilalakad nang nakaluhod ng libu-libong deboto, tulad ng imahen ng Ina ng Laging Saklolo sa Sestosoba, Poland.
Malinaw na sinisiraan ng Western Press ang seremonya ngayon. Ang Pinoy, kailanman, ay di padadala sa demonyo. Para sa Pinoy, si John Paul II ay beato, at santo na nga, para sa mga pinahihirapan ng Parkinson’s at iba pang misteryosong sakit at karamdaman.
Parkinson’s? May napagaling na siya, na madre. Misteryosong karamdaman? Meron na, at siya ay ang buhay na si Floribeth Mora Diaz ng Costa Rica, na namaga ang utak at sinukuan na ng mga espesyalista kaya pinauwi na ng bahay para hintayin ang kamatayan.
Si John Paul II ay madasalin at palaging nananawagan sa Santisima Trinidad. Ang practicing Catholics na Pinoy ay higit na malapit sa Santisima Trinidad, bago pa man isinilang si John Paul II at ito’y nagsimula noon pa mang panahon ng pananakop ng mga Kastila.
Sa ikalawang pagdalaw ni John Paul II sa Pinas, ipinakita niya ang walang katumbas na pagpapakumbaba, na wala sa pangulo ng bansa noon. Ipinakita niya ang pag-alaga at pag-aalala ng ama sa anak, sa mga anak; ang glorya ng krus ni Kristo at ang mahiwagang kamay at pagliligtas ng Espiritu Santo.
Mahirap sakyan? Mahirap unawain? Mahirap talaga at mismong ang non-practicing Catholic president at di masasagot ang mga tanong. Sa ikalawang pagdalaw ni John Paul II, hiniling niya sa kanyang dasal, at ibinigay sa kanya, ang liwanag (Holy Spirit to shine through him), ang walang hanggang awa sa pamamagitan ni Maria, para ibaba at ibigay sa bansa ang buhay na Kristo, sa pamamagitan ng Mabuting Pastol.
Nose bleed ka na? Hindi mahirap unawain iyan. Naganap na iyan. Na sa kanyang unang pagdalaw, ang kanyang kabanalan ay naramdaman mismo ng media.
Ang kanyang kabanalan ay naramdaman mismo ng makasalang hagad, at ngayon ay retiradong pulis na, na nagsilbing motorcycle escort sa kanyang Pope Mobile.
Isang taon nang makauwi sa Vatican si John Paul II, naaksidente ang magaling na hagad habang nage-escort ng malaking politiko. Wasak ang big bike, pero tumayo lamang ang pulis mula sa labi at naglakad lamang, na walang nangyari, walang sugat.
Sa ikatlong pagdalaw, sinalubong si John Paul II ng tripleng dami ng mga Pinoy, sinundan kahit saan tumungo, iniyakan, minahal. Labis na nagpasalamat ang mga Pinoy sa Panginoong Hesus dahil ibinigay niya sa bansa si John Paul II, na ang mga salita at binigkas ay nagsilbing liwanag at pag-asa sa kahirapan.
Hindi makalilimutan ng mga Pinoy ang kanyang sermon, na ang natitirang pag-asa sa puso ang magliliwanag at magsisilbing sulo ng katuparan ng panalangin sa Diyos.
Tumimo at nagkatotoo ito at ginawa itong bahagi ng intro oracion sa kanyang novena noong siya’y beato pa. At mananatili sa babalangkasing novena ngayong santo na siya.
Nasa intro oracion din ang petisyon ng mga naging deboto sa kanya nang matapos ang ikatlong pagdalaw. Karaniwang makaluma at masalimuot ang presentasyon at pagbasa ng pang-araw-araw na Ebanghelyo, at nang manungkulan si John Paul II, ipinaliwanag niya ang lengguwahe ng Ebanghelyo na maiintindihan ng arawang obrero, ng taumbayan.
Nang dahil sa pagsisikap ni John Paul II, higit na naunawaan at naging malinaw ang bawat Ebanghelyo at ang katotohanan ay nakita ng Pinoy, ng taumbayan.
Ang himala ni John Paul II sa madre na nasa bingit na ng kamatayan dahil sa Parkinson’s ay sanhi para huminto at matulala ang Vatican. Ngayon lamang naganap ito, at nasaksihan, ng mga buhay na pantas sa Vatican.
Walang kumontra, kahit na ang devil’s advocate, at lahat ay nagdasal. Sa ikatlong pagdalaw, nakita ng mga Pinoy ang labis na panghihina ni John Paul II, na parati na lang nakaupo sa trono.
Sa kabila ng panghihina at lumalalang karamdaman, ipinagpatuloy ni John Paul II ang paglilingkod sa Pinoy, ang misyon ng pagbabalik-loob sa naghihintay na Panginoon.
Nakagagalit na ang mga lider ngayon, ang pangulo, mga senador at kongresista ay walang ginagawa gayung malulusog sila sa kananakaw, hindi nanghihina pero patuloy ang paglala ng karamdaman sa kasakiman at kasinungalingan.