Hindi ako desperada para maglasing at magpapasundo pa kay Tom! – Carla


“HINDI ako ganu’ng uri ng babae!” Ito ang mariing sinabi ng Kapuso leading lady na si Carla Abellana hinggil sa isyung nagpakalasing siya sa isang bar at pagkatapos ay nagpasundo raw siya kay Tom Rodriguez.

Kahapon, sa presscon ng bagong pelikula ng Regal Entertainment na unang pagtatambalan nina Carla at Tom, ang “So It’s You”, nilinaw ng aktres ang kontrobersiya.

Aniya, kung lalabas man daw siya o gigimik, tiyak na ang kasama niya ay ang kanyang pamilya o ang kanyang best friends.
Natawa na nga lang daw siya nang marinig niya ang kuwento, para naman daw pinagbagsakan na siya ng langit at lupa kung totoong nangyari ‘yun at wala nang pag-asa sa buhay.

“Gosh! Naglasing sa bar tapos biglang nagpasundo pa kay Tom Rodriguez, parang sobrang desperada naman ‘yun. That’s not true. Walang ganu’ng pangyayari.

Sabi ko nga, kung gagawin ko ‘yun, hindi ko idadamay si Tom, meron akong pamilya, meron akong best friends, sila siguro ang isasama ko,” paliwanag ni Carla.

Ayon kay Carla, ibang level kasi ang friendship nila ni Tom, close sila dahil halos araw-araw silang nagkakasama sa trabaho, lalo na nu’ng kasagsagan ng shooting ng “So It’s You” pero never pa raw silang lumabas o gumimik.

Muli rin niyang ipinagdiinan na hindi si Tom ang dahilan ng break-up nila ni Geoff Eigenmann. “Sabi ko nga, hayaan na lang natin ang ibang tao na nalalagay ng malisya sa samahan  namin, kasi hindi naman namin kontrolado ‘yun, bahala na sila,” sey pa ni Carla.

Inamin din ng aktres na nasa “healing process” pa rin siya ngayon matapos silang maghiwalay ni Geoff, hindi raw ganu’n kadaling maka-move on sa ilang taon din nilang relasyon ng aktor.

Sa ngayon, hindi pa siya nag-e-entertain ng manliligaw, hindi pa raw siya handang pumasok sa bagong relasyon.  Sa isyu naman ng pakikipag-break ni Tom sa kanyang girlfriend na singer na si K-La Rivera, ayaw na nitong magdetalye tungkol sa isyu, pero hindi man niya diretsong inamin, mukhang cool off din ngayon ang dalawa.

“Basta happy ako ngayon, dahil sunud-sunod ang trabaho natin, sa work muna ang focused ko ngayon, so, ganu’n muna,” sey ni Tom nang makorner ng press bago magsimula ang presscon ng “So It’s You”.

Nagsalita rin sina Carla at Tom tungkol sa pamba-bash sa kanila sa social media, inaakusahan kasi sila na ginagamit ang kanilang mga personal issues para ma-promote ang kanilang pelikula.

Depensa ni Carla, naniniwala sila na maganda ang kanilang pelikula at feeling niya, hindi naman makakatulong ang mga negative issues sa kanila para kumita ang kanilang proyekto.

Hindi naman daw sila ganu’n kadesperado na ibandera ang kanilang mga personal na problema para lang panoorin ang pelikula nila.

Samantala, napanood namin ang buong trailer ng “So It’s You” at feeling namin, totoo ang sinasabi ni Carla – panonoorin ito ng mga mahihilig sa romantic-comedy films dahil sa magandang kuwento nito at hindi dahil nawasak na relasyon nila ni Geoff, o dahil single na uli si Tom.

In fairness, nakakaaliw ang mga eksena nila, pati na rin ang mga scene-stealers na sina Paolo Ballesteros at Kevin Santos (na na-typecast na nga yata sa mga gay role dahil sa magaling na akting niya sa seryeng My Husband’s Lover).

Kuwento nina Carla at Tom, ibang-iba ito sa mga nagawa na nilang pelikula, bukod daw sa feel good lang ang movie, tiyak na mai-inspire, mai-in love at matatawa nang bonggang-bongga ang mga manonood.

Makakasama rin dito sina Bangs Garcia, JC de Vera, Joey Marquez, Arlene Muhlach, Leo Martinez at marami pang iba. Showing na ito sa May 7 sa direksiyon ni Jun Lana under Regal Entertainment ni Mother Lily Monteverde.

Uy, siyanga pala, alam n’yo ba na kahit ilang beses nang nagpaseksi si Tom sa kanyang mga past projects, inatake pa rin daw siya ng hiya at sobrang nerbiyos nang kunan ang eksena niyang naka-trunks kaharap sina Carla at Paolo.

“Hindi ko nga alam, e, parang hindi pa rin ako sanay. Kaya takip ako nang takip sa harapan ko, nu’ng nag-take na kami,” natatawang chika ni Tom.

( Photo credit to EAS )

Read more...