PBA pinagmulta si Guiao ng P100K


PINATAWAN ng PBA Commissioner’s Office si Rain or Shine head coach Yeng Guiao ng P100,000 multa matapos na tawagin nito si Meralco Bolts forward Cliff Hodge na “mongoloid” matapos ang kanilang PBA Commissioner’s Cup quarterfinals game noong Miyerkules.
Sinabi ni PBA Commissioner Chito Salud na ang inasal ni Guiao sa harap ni Hodge ay “unbecoming and unacceptable” matapos na suriin ang nasabing insidente.
“First, accosting and insulting a player with total disregard for civility and circumspection; second, using the word “mongoloid,” a derogatory term alluding to people with Down’s syndrome. Its use shows a lack of sensitivity to persons with disabilities and is particularly hurtful to the class of people suffering from the disorder, their families and friends,” sabi ni Salud.
Hinarap ni Salud sina Guiao at Hodge sa kanyang opisina sa Libis, Quezon City kahapon.
Ang ‘hard foul’ ni Hodge kay Rain or Shine center Raymond Almazan sa pagtatapos ng Game Two ng kanilang quarterfinals series ang nagpagalit kay Guiao dahil inakala niya na ito ay isang suntok sa kanyang manlalaro.
Ang pagtawag naman ni Guiao kay Hodge na “mongoloid” ay nangyari sa tunnel patungo sa dugout ng mga koponan sa Smart Araneta Coliseum kung saan inabangan ng una ang huli.
Ito naman ang ikalawang pagkakataon ngayong taon na napatawan ng multa si Guiao. Nitong nakaraang Pebrero, si Guiao ay pinagbayad ng P100,000 at pinatawan ng one-game ban dahil sa hindi magandang asal.
Sinabi pa ni Salud na, “the use of words with pejorative tones has no place in a league that regards itself as an institution our youth can look up to as an example.”
Samantala, si Hodge ay pinagbayad naman ng P20,000 dahil sa kanyang foul kay Almazan, na inangat sa Flagrant Foul Penalty 2 dahil ito ay naging “excessive and unnecessary.”

Read more...