Angel kay Phil: Ayoko na sanang banggitin pa ang pangalan niya!


Ayaw na sanang banggitin ni Angel Locsin ang pangalan ni Phil Younghusband hangga’t maaari. Pero kinailangan niyang magpaliwanag tungkol sa mga issue sa kanilang dalawa ng ex-boyfriend.

Kahapon, lumabas na dito sa BANDERA ang paglilinaw ni Angel sa mga tsismis na siya ang naglandi at nagloko kaya sila nag-break ni Phil. Never daw siyang nanloko ng tao at wala siyang inaagrabyadong karelasyon.

Tungkol naman sa pagiging babaero raw ni Phil na siyang sinasabing dahilan kung bakit siya nakipaghiwalay sa football player, sey ng The Legal Wife actress, “Si Phil, mabait na tao.

Wala siyang ipinakitang masama sa akin. Feeling ko nasira lang ‘yung okay na breakup namin dahil sa mga taong nag-a-assume.”

“Ako, hanggang ngayon nga ‘di ako nagbubura ng pictures niya sa Instagram kasi wala naman kaming masamang tinapay sa isa’t isa,” hirit pa ng Kapamilya leading lady.

Dugtong pa niya, “Ayaw ko na sanang banggitin ulit ang pangalan niya kasi alam ko na ayaw na niyang pag-usapan pero ‘yun nga, sana stop na ‘yung bashing-bashing na ganyan kasi maayos kaming naghiwalay.”

Halatang happy na talaga si Angel sa piling ni Luis Manzano, kasabay nito ang muling paglilinaw na hindi siya inagaw ni Luis kay Phil. As in kasalan na lang ang kulang sa kanila na feeling namin ay malapit na ring mangyari.

Samantala, tuluy-tuloy pa rin ang mga makapigil-hiningang eksena sa The Legal Wife na napapanood after Ikaw Lamang sa Primetime Bida.

( Photo credit to angellocsinfanpage )

Read more...