Le Tour champion malalaman ngayon

SA tatlong malalaking ahunan ngayon malalaman kung sino ang kikilalaning kampeon ng 2014 Le Tour de Filipinas.

Hindi gumalaw ang mga nangungunang siklista sa overall race nang magkakasabay na tumawid sa meta bilang isang malaking pulutong matapos ang Stage Three kahapon mula Cabanatuan City hanggang Bayombong Capitol Building sa Nueva Vizcaya.

Ang Stage Two winner na si Mark Galedo ng 7-Eleven Road Bike Philippines ay nakasama nina overall leader Goh Choon Huat at Eric Timothy Sheppard ng OCBC Singapore Continental team sa 34-katao main peloton na tumawid sa ikatlong pangkat sa bilis na 4:12:49.

Dahil dito, hindi nabago ang pagitan ng kanilang oras sa overall at nangunguna pa rin si Goh na may kabuuang 12:34:42 habang si Sheppard ay napag-iiwanan pa rin ng 3:03 (12:37:45) at si Galedo ay kapos lang ng 3:33 (12:38:15).

“Tingnan natin bukas,” wika ni Galedo na naghahangad na maging ikalawang Filipino rider na nagkampeon sa Le Tour de Filipinas na binuhay ni PhilCycling chairman Bert Lina noong 2010 at ngayon ay handog ng Air21 katuwang ang Ube Media.

“Maraming puwede magbago dahil ang mga kalaban ay itong mga nasa likod. Paghandaan na lang natin ang karera bukas hindi pa naman ako laspag,” pahabol pa ni Galedo.

Ang Stage Three ang pinakamaikling karera sa apat na araw na kompetisyon na may ayuda pa ng Smart, NLEX, SCTEX, TPLEX, BCDA, Petron, Victory Liner at M. Lhuillier dahil umabot lamang sa 146.6 kilometro ang distansya nito.

Ngunit may isang matinding ahunan sa Dalton Pass na siyang boundary ng Nueva Ecija at Nueva Vizcaya at naipakita ni 7-Eleven Road Bike skipper at 2012 Le Tour de Filipinas champion Jonipher “Baler” Ravina ang husay nito sa ahunan nang kunin ang pinaglabanang King of the Mountain.

Si Patria Rastra ng Pegasus Indonesia Continental Team ay nagawa namang makaremate sa huling 200 metro tungo sa stage victory.

Si Rastra ay sinundan nina Baasankhuu Myagmarsuren ng Atilla Cycling Team ng Mongolia, Kim Dohyoung ng KSPO Continental team ng Korea, Lloyd Lucien Reynante ng Philippine Navy-Standard Insurance at Ravina tangan ang magkakaparehong oras na 4:12:25.

Read more...