Hirit ng isang texter mula sa General Santos City, hindi raw nagsusuot ng helmet ang isang pulis sa kanilang lugar.
Kaya ang tanong niya: “Ano po ba ang regulasyon sa pulis na nagmo-motor na walang suot na helmet?”
Gaya ng ibang nagmamaneho ng motorsiklo, dapat ay nagsusuot ng helmet ang mga pulis anuman ang ranggo nito—Police Officer 1 man o heneral o kahit hepe pa siya ng Philippine National Police.
Kung muli mo siyang makikita, kuhanan mo siya ng litrato, kahit sa cellphone lang, at ipadala mo sa amin 0917-8446769, para mailathala ang kanyang litrato sa Motor Section ng Bandera at nang sa ganoon ay makita ng publiko at mismo ng PNP ang pagiging pasaway niya.
Dahil nakakapagmaneho ang pulis na iyong tinutukoy nang walang helmet, maaaring ipalagay na tigasin ito o kaya ay mayroong malakas na kinakapitan sa mataas na opisyal ng pulisya o kaya ay sa lokal na pamahalaan o baka mas mataas pa.
Naglabas na ng direktiba si PNP chief Director General Alan Purisima laban sa mga pulis na hindi nagsusuot ng helmet kahit pa ang mga ito ay reresponde sa isang krimen.
Sinabi niya na dapat maging magandang halimbawa ang mga pulis. Naglabas naman ng kanila-kanilang memorandum ang mga police district office sa Kamaynilaan kaugnay nito pero mukhang hindi na ito kumalat pa hanggang sa pinakamalayong presinto ng bansa.
Si Supt. Cipriano Galanida, deputy chief for police administration ng Eastern Police District, ay nagpalabas ng hiwalay na memorandum sa lahat ng pulis sa kanilang nasasakupan matapos na makita ni National Capital Region Police Office chief Director Carmelo Valmoria ang isang pulis na walang suot na helmet habang nagmamaneho ng motorsiklo.
Hindi pinalagpas ni Valmoria ang pulis at ipinahabol ito sa kanyang mga tauhan. Nakilala ito na si PO1 Aksan Tangkapan, nakatalaga sa Sector 1.
Agad na inalis sa puwesto si Tangkapan at inilipat sa Regional Police Holding and Accounting Unit. Sa memorandum, sinabi ni Galanida na pati ang direct officer ng mga pulis na mahuhuling hindi nagsusuot ng helmet ay mananagot.
Ang inilabas na memorandum ni Galanida ay nagsilbi ring paglilinaw sa Motorcycle Helmet Act of 2009 na inakda ni Sen. Bong Revilla.
Nakasentro kasi ang batas sa mga sibilyan na gumagamit ng motorsiklo at tahimik sa pagsusuot ng helmet ng otoridad. Pero nasa batas din na kung walang suot na helmet, magmumulta ng P1,500.
MOTORISTA
RAIDER 150 ang motor ko. Hinabol ko ang TVS Tormax 150 pero di ko maabutan kahit 145kph na speed ko. Ano ba ang top speed ng TVS?
Leo, Cotabato City
BANDERA
HALOS pareho ang silindro ng mga makina. Ipatono ang Raider sa racing mode at kung merong race circuit sa iyong lugar, tulad ng nasa Rosario, Batangas, Clark at Subic, ay alamin ang acceleration progression. Sa acceleration progression, maaaring naunahan ka lang ng kinarera mo.
MAY reklamo ka ba sa E-10 gasoline, peke at substandard na piyesa, at ilang bagay hinggil sa fuel, lubricants, motor, atbp? I-text sa 0917-8446769
Classifieds Motor
4SALE MB 400,000 0907-6756943; pump boat 0907-6756943
BMW R50 junk as-is P3k
0917-3622133
SWAP Suzuki Thunder
0919-3576549
PARA sa inyong mga riders, mechanics, motorcycle salesmen, parts distributor at insurance companies ang Bandera Motor Section Classifieds. Puwede ninyong i-text ang inyong ibinebentang motor sa BMS Classifieds at libre ito (one liner lamang). Halimbawa: YAM Mio P40 (cell phone number). Kung gusto ninyong makipagpalit, text: SWAP XRM 2010 (cell phone number). Kung gusto ninyong i-text ang inyong serbisyo, i-text: MECHANIC Sam (cell phone number). VINTAGE bike (cell phone number). PARTS (cell phone number). INSURANCE (cell phone number). I-text ang mga ito sa 0917-8446769