Naghahanap pa rin ang Ginebra

IT’S been a very frustrating conference, er, season if you want to put it, for Barangay Ginebra San Miguel so far. Kasi, kung tutuusin, ang daming na-excite bago pa man nagsimula ang 39th season ng Philippine Basketball Association sa klase ng build-up na sinuong ng Gin Kings.

Biruin mong nakuha nila ang No. 1 pick ng Rookie Draft na si Gregory Slaughter, isang seven-footer na naghatid sa Ateneo Blue Eagles ng ilang kampeonato sa UAAP.

E, noong nakaraang season ay nakuha na nila si Japhet Aguilar buhat sa Globalport. So, nagkaroon ng size ang Barangay Ginebra. Sa pagkakakuha kay Slaughter ay nabuo ng Gin Kings ang pinakamatangkad na frontline duo sa liga. Slaughter at Aguilar!

Ano ang ipantatapat ng ibang koponan?  E di dominado na ng Gin Kings ang rebounds. Mamimiyesta na sa pag-shoot sa labas ang mga tulad nina Mark Caguioa, LA Tenorio, Jayjay Helterbrand, Dylan Ababou at iba pa.

At upang maseguro na hindi mabubugbog nang husto bunga ng mahabang playing time sina Slaughter at Aguilar, aba’y may tatlong big men pa ang Gin Kings na puwedeng pamalit.

Nandiyan sina Billy Mamaril, Jay-R Reyes at Brian Faundo. Si Mamaril ay holdover buhat sa nakaraang line-up ng Gin Kings. Si Reyes ay nakuha buhat sa Meralco Bolts sa trade na kinasangkutan ni Kerby Raymundo.

Si Faundo ay isang free agent. So, kung malalaking players lang ang pag-uusapan ay walang problema ang Barangay Ginebra.
E nadampot pa nila ang No. 4 pick sa rookie draft na si James Forrester, isang Fil-Canadian na nag-aral sa Arellano University.
Ano pa ba ang hahanapin mo?

Well, hanggang ngayon ay naghahanap pa rin ang Barangay Ginebra! Bago nag-umpisa ang season, marami ang nagsabing baka makabuo ng Grand Slam ang Gin Kings!
Baka? Baka hindi? Hindi! Kasi matapos na mamayagpag sa elims ng Philippine Cup ay hindi lumusot sa semis ang Gin Kings at hindi nakarating sa Finals.

At ngayon sa Commissioner’s Cup, baka hindi pa makarating sa semifinals. Kasi pumasok sa quarterfinals ang Gin Kings sa ikawalong puwesto kung kaya’t katunggali nila ang top-seed Talk ‘N Text na may twice-to-beat advantage.

Must win ang sitwasyon ng Gin Kings kagabi. At kung mananalo sila, kailangang magwagi ulit sila sa Biyernes upang makarating sa semis.

Mabigat. Kasi hindi pa natatalo ang Talk ‘N Text sa conference na ito! So, tagilid pa talaga sa tagilid ang Barangay Ginebra.
Ang positibo nga lang ay ang pangyayaring tila pinaghahandaan na nila ang third conference dahil sa ang kinuha nilang import na si Gabe Freeman ay swak na swak sa height limit para sa Governors Cup.

Sakaling minalas at natalo sila kagabi kontra Tropang Texters, aba’y malaki ang pusibilidad na buwenasin na sila nang husto sa Governors Cup! Never say die pa rin ang peg, di ba?.

Read more...