HINDI pa sigurado kung papayag ang kampo ni Vhong Navarro na gawing state witness ang isa sa mga akusado sa pambubugbog sa TV host-comedian na balitang nasa pangangalaga na ngayon ng Department of Justice.
Ayon sa ulat, nakipag-usap na raw ang nasabing akusado sa DOJ kung pwede siyang mag-apply bilang state witness at nakahanda raw itong ibandera ang lahat ng kanyang mga nalalaman sa korte tungkol sa “Oplan Bugbog” na pinlano raw ng grupo ng isa pang akusado sa mga kasong grave coercion at serious illegal detention na si Cedric Lee, pati na rin ni Deniece Cornejo.
Sa isang interview sinabi ng abogado ni Vhong na si Atty. Alma Mallonga, wine-welcome nila ang bagong development na ito sa kaso ng kanyang kliyente pero wala pa silang masasabi kung tatanggapin nila ang pagiging state witness nito.
Ayon pa sa legal counsel ng komedyante, nais lamang nilang ipunto na ang kasong ito ay hindi tungkol sa settlement. o sa pera – ang nais lang daw nla ay ang lumabas ang buong katotohanan at makakuha ng hustisya.
Sinabi pa ni Mallonga na nakikipag-coordinate na sila sa DOJ para makakuha pa ng mas maraming detalye na magagamit nila sa kaso.
Nitong Lunes, inilabas ng Taguig Metropolitan Trial Court ang desisyon na nag-uutos sa pag-aresto kina Cedric, Deniece at iba pang akusado sa kaso. Habang isinusulat namin ang column na ito ay wala pang balita kung nasaan na ang grupo nina Cedric.
Samantala, nagpapasalamat si Vhong sa mabilis na pag-usad ng kanilang kaso sa korte, at patuloy siyang nagdarasal na sana’y tuluyan na nilang makamit ang hustisya.
( Photo credit to vhongnavarrofanpage )