ISINANTABI ni Eric Timothy Sheppard ng OCBC Singapore Continental Cycling team ang nakakapasong araw nang makakawala sa mga katunggali sa huling 15-kilomentro tungo sa pagdodomina sa 2014 Le Tour de Filipinas Stage One na nagsimula sa Clark, Pampanga at nagtapos sa Olongapo City National High School kahapon.
Napagtiyagaan ni Sheppard na habulin ang pitong siklista na lumayo sa pagpasok sa Floridablanca Exit ng SCTEX at sa ikatlong King of the Mountain na natapos sa Morong Gate ay nasa ikalawang puwesto na siya kasunod ni Kwon Soonyeong ng KSPO Continental team ng Korea.
Pagsapit sa lusungan ay hindi na nagpaawat ang 22-anyos na siklista at iniwan si Kwon tungo sa solong pagtawid sa meta sa harap ng libu-libong manonood na nagtiyagang hintayin ang pagtatapos ng 160-kilometrong karera na nagpasimula sa apat na araw ng Le Tour de Filipinas na handog ng Air21 katuwang ng Ube Media.
Bago ang karera ay ipinakita ni Sheppard ang pagiging game nito nang sa welcome dinner na inihandog ng Clark Development Corporation (CDC) noong Linggo ng gabi ay pinaunlakan ang pagsayaw ng tinikling.
Galing din sa katatapos na Tour of Thailand, si Sheppard ay naorasan ng apat na oras, tatlong minuto at 52 segundo para isuot ang purple jersey sa Stage Two ngayong umaga.
Nasa dalawang minuto at 40 segundo ang layo niya sa limang siklista na tumapos sa ikalawang puwesto sa 4:06:32 at kasama rito ang kakamping si Goh Choon Huat na nalagay sa ikalimang puwesto.
( Photo credit to inquirernewsservice )