INOBERTEYKAN ng Tsinoy na si Jeffrey Chua ng Urdaneta Village, Makati ang convoy ng Pangulong Noy na nanggaling sa pagbisita sa terminal 4 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Miyerkules Santo.
Dahil si Chua ay overspeeding, hinuli siya ng mga pulis na escorts ng presidential convoy.
Habang binibigyan si Chua ng ticket ng mga pulis, nagbigay ito ng tangka.
“Pak naking plesidente (Jojo) Binay tanggal kayo lahat tlabaho.”
Wakanga, Jeffrey!
Hini pa nga puwesto iyo manok ikaw ay abusado na!
qqq
Hindi naman kataka-taka na abusado itong si Jeffrey dahil para siyang kuto na nakatuntong sa kalabaw: Akala ng kuto ay kalabaw na rin siya.
Kasi, dear readers, abusado ang pangalang binanggit niya.
Di ba ninyo natatandaan yung insidente sa Dasmariñas Village sa Makati kung saan ipinairal ni Mayor Junjun Binay ang kanyang pagiging pinakamataas na opisyal ng bayan?
Sarado na kasi ang gate na dadaanan sana ng convoy ni Mayor Junjun papalabas ng village, kaya’t sinabi ng mga guwardiya na bawal na ang dumaan doon at
itinuro sila kung saan makakalabas.
Sa halip na sabihin sa kanyang mga tauhan na mag-turn around at sumunod sa patakaran ng village, sinabi ni Binay sa mga guwardiya, “Di ba ninyo ako kilala?”
Dumating ang isang mobile patrol car at inaresto ang mga pobreng guwardiya.
Nakulong ang mga kawawang guwardiya sa istasyon ng pulisya ng ilang oras bago sila pinakawalan.
Ngayon, magtataka pa kayo kung bakit binanggit ng abusadong Tsinoy ang pangalan ni Binay?
qqq
Ito pa ang isa pang pang-aabuso ng mga Binay:
Noong Semana Santa ay makapal ang trapik sa San Juan, Batangas. Hindi gumagalaw ang mga sasakyan.
Pero may isang sasakyan ang ayaw maantala.
Nagwangwang ng pagkalakas-lakas ang sasakyan na Toyota Fortuner na ang plate number ay SJR-787.
Na-trace ng “Isumbong mo kay Tulfo” ang plaka, na isang government plate, sa Office of the Mayor ng Makati City.
Ayaw magsalita ang Makati City government kung sino ang nagmamaneho ng nagwangwang na sasakyan.
qqq
Noong inaugural speech ng Pangulong Noy sa Luneta, ipinagbawal niya ang mga wangwang upang makasingit ang mga sasakyan ng gobyerno sa traffic.
Nang umalis si Vice President Jojo Binay matapos ang inauguration, nagwangwang ang kanyang convoy upang makasingit sa trapiko.
Hindi napansin ng taumbayan ang ginawang yun ng convoy ni Vice President Binay dahil excited pa ang mga ito sa bagong liderato.
Sana ay mabasa ito ng mga Binay upang mahiya naman sila.
Di pa nga Pangulo si Jojo Binay ay abusado na ang kanyang mga kamag-anak at tauhan; ano pa kaya kung naging presidente na ito.
qqq
Saan ka makakakita sa mundo na ang presidente ay humihingi ng dispensa para sa kanyang opisyal na walang ginawa kundi magkamot ng kanyang balls?
Onli in da Pilipins.
Humingi ng paumanhin si Pangulong Noy sa mga pasahero dahil sa sirang air-conditioning system sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1.
Nagmistulang oven sa init ang NAIA 1 dahil sa sirang airconditioning system.
Matagal nang problema ang sirang aircon di lang sa NAIA 1 kundi sa NAIA 3 din.
Pero walang ginawa ang NAIA General Manager Angel Jose Honrado.
Ilang beses nang tinatawagan ng inyong lingkod ang tanggapan ni Honrado dahil sa mga sumbong ng mga pasahero sa “Isumbong mo kay Tulfo.”
Pero sa halip na sagutin ang tawag ng inyong lingkod ay pinapasa lang ni Honrado sa kanyang staff na wala ring ginawa.
Kamag-anak kasi si Honrado ni P-Noy kaya’t nagmamalaki ito.