HABANG patuloy ang penitensiyang nararanasan ng libu-libong mga commuter ng MRT, isa pang inirereklamo din ng mamamayan ay ang masamang kondisyon n gating airport, partikular na ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Sa kasagsagan ng pagdagsa ng mga tao sa mga paliparan para magbakasyon nitong Mahal na Araw, doon naman naranasan ang init sa NAIA 1 dahil sa sirang airconditioning system rito.
Mismong si Pangulong Aquino ang humingi ng paumanhin dahil sa kapalpakan pa rin ng operasyon ng NAIA Terminal1.
Kaya nga hindi na nakakapagtaka kung bakit ilang beses na ring binansagan ang ating airport na worst airport sa buong mundo dahil sa sobrang sama ng serbisyo rito?
Pag-upo ni PNoy, ipinangako niya na pagagandahin ang serbisyo sa ating mga paliparan. Pero halos apat na taon na siya sa panunungkulan, ganon pa rin ang problema, walang pagbabago.
At ang higit na nakakainis dito ay kahit kabi-kabila ang problema sa transportasyon, eto naman si Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya ay sobrang abala – hindi sa kanyang Gawain bilang kalihim ng DOTC kundi sa pagsipsip kay Interior Secretary Mar Roxas. Laging nakabuntot itong si Abaya sa “pangangampanya’ o pag-iikot ni Roxas sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda.
Paano ba naman hindi mo iisipin na nangangampanya ang dalawang ito, may pagkakataon pang tinawag ni Abaya si Roxas na Mr. President sa isang gathering doon sa Visayas.
Pero nakasalag kaagad ang Malacanang sa dalawa, at ipinagtanggol si Abaya at sinabi na ang pagtawag nito kay Roxas ay bilang pangulo ng Liberal Party.
Maraming problemang dapat unahin si Abaya sa kanyang tanggapan kung bakit kung anu-ano ang pinanghihimasukang gawin nito. Palibahasa naman kasi ay hindi nito nararanasan ang makipagbalayahan sa loob ng tren sa rush hour, o ni minsan sa hinagap ay di pa ito nakasakay sa MRT?
Dagdag parusa sa mga mananakay ng MRT ang ipinapakitang kawalang-konsiderasyon ni Abaya. At kahit wala siyang ginagawang maganda sa DOTC, malakas ang loob ni Abaya dahil alam niyang malakas siya kay PNoy.
Dapat patunayan ni Abaya na hindi siya inilagay sa DOTC dahil sa kaalyado at kaibigan lamang ng Pangulo kundi dahil may kakayahan din siyang gampanan ang kanyang tungkulin.
Oo nga, sa napakaraming kapalpakan nitong si Abaya ay kung bakit hindi ito masibak-sibak ni PNoy? O baka naman sadya lang talagang makapal ang mukha nitong hepe ng DOTC?
Umalma kamakailan ang PCSO sa mga naglabasan sa social media na peke ang nanalo ng mahigit P242 milyon sa 6/55 lotto draw noong Abril 7.
Hinamon pa ng PCSO ang mga nagdududa na pumunta sa lotto outlet sa Triple Lucky Stars sa Washington, kanto ng Pio del Pilar Street sa Makati City para iberipika na doon nga binili ang tiket ng nanalo sa 6/55 draw.
Nanawagan din ang PCSO sa mga Pilipino na huwag agad maniniwala sa mga alegasyon ng hindi bineberipika ang mga ito sa ahensiya.
Karamihan ng mga tumangkilik ng lotto ay mga ordinaryong Pinoy na nagbabakasaling swertehin sa pagtaya ng lotto.
Sa nangyaring kontrobersiya, makikita natin na napakalaki talaga ng epekto ng social media ngayon sa ating Pilipino.
Nararapat lamang na maging responsable tayo sa paggamit ng internet.
Para sa reaksyon at mga tanong, i-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.