MERS-Coronavirus nasa Pilipinas na

KINUMPIRMA ng Department of Health  na nakapasok na ng Pilipinas ang nakamamatay na Middle East Respiratory Syndrome- Coronavirus.
Isiniwalat ni Health Secretary Enrique Ona na nagpositibo ang isang nurse  mula sa Abu Dhabi, United Arab Emirates, nang suriin ito pagdating sa Ninoy Aquino International Airport kamakalawa.
Naka-quarantine na ang pasyente, ani Ona, subalit itinanggi nito kung sabihin kung saan ito naka-confine. Maging ang misis, dalawang anak at kanilang kasambahay ay inilagay na rin sa isolation area.  Ang quarantine ay tumatagal ng 10 hanggang 14 araw.
Nakikipag-ugnayan na rin ang departamento sa mga nakatabi sa eroplano ng nurse at mga nakasalamuha pa nito sa airport upang sila rin ay isailalim sa test.
Kinumpirma ng nurse na nagkaroon siya ng contact na kapwa OFW na namatay dahil sa virus noong Abril 10 sa UAE.
Ipinunto ni Ona na asymptomatic ang pasyente o walang ipinapakitang sintomas bagamat maaari na itong makahawa. Ang mga sintomas ng virus ay lagnat, ubo at muscle pain at pagtatae.
“He has no symptoms. He has the virus but he is not sick with it. You can be positive but you are not sick. Asymptomatic. But he still can infect others, so we put him in isolation. We can say that he’s a carrier. It means he was exposed to the virus,” paliwanag ni Ona.
Sa ngayon ay wala pa ring vaccine na pangontra laban sa nakamamatay na sakit.

Read more...