Pansamantalang naagaw ng Pambansang Kamao ang atensiyon ng publiko. Kumbaga sa larong basketball ay ibinangko muna ang mga isyu tungkol kina Kris Aquino at Mayor Herbert Bautista para bigyan ng pagpapahalaga at pagbubunyi ang tagumpay ni Manny Pacquiao sa laban nila ni Timothy Bradley.
Hindi rin muna gaanong natutukan ang isyu ng pagsasampa ng kaso laban kina Cedric Lee, Deniece Cornejo at sa iba pa nilang mga kasama dahil sa ginawa nilang pananakit kay Vhong Navarro.
Kay Pacman muna natuon ang atensiyon ng sambayanang Pinoy, napakalaking karangalan nga naman ang muling ibinigay sa atin ng Pambansang Kamao, napag-uusapan ngayon ang lahing Pinoy sa positibong paraan dahil sa ipinakitang katapangan ni Manny Pacquiao.
At siyempre, hindi natin maitatanggi ang pagkaaliw ng ating mga kababayan kay Mommy Dionesia, ang dakilang ina ng kampeong boksingero, nakipagkabugan ang ina sa kanyang anak nu’ng umakyat ito sa lona pagkatapos ng salpukan.
Nilinaw na ni Pacman kung ano ang sinabi ni Mommy D kay Bradley, nag-sorry raw ito sa talunang boksingero, dahil mas malakas talaga ang kanyang anak na nagpataob kay Boy Daldal ng mundo ng boksing.
Walang kakaba-kaba rin itong nakipagpalitan ng salita kay Bradley sa wikang Ingles, bakit nga naman, hindi naman Amerikana ang nanay ni Pacman para asahang magaling magsalita ng Ingles?
Pinagpistahan din ng mga kababayan natin ang kuwento na “kinulam” ni Mommy D si Bradley, pero komento naman ng mas nakararami ay hindi totoo ‘yun, mukhang mangkukulam lang si Mommy D pero hindi nito makukunsensiya ang mangulam at magpakulam ng kahit sino.
Saka nanay si Mommy D, ito ang nanay ng boksingerong nakikipagpukpukan sa gitna ng lona, kaya napakanatural lang ng kanyang malasakit sa kanyang anak na pinakamamahal.