Penitensiya ng mga kongresista

KUNG dati-rati ay naglalagi ang mga kongresista sa kanilang mga distrito, mukhang ngayong Mahal na Araw ay mukhang bakasyon ang kanilang aatupagin.

Bakit nga naman hindi? Wala naman silang maibibigay o maipapangako man lamang sa kanyang mga constituents ngayong wala ng pork barrel ang mga kongresista at senador.

Alangan namang bumunot sila mula sa kanilang sariling bulsa para mabigyan ng pang-uwi ang mga bibisita sa kanilang bahay.

Kahit siguro ibigay na nila ang kanilang buwanang sahod na umaabot sa P100,000 ay hindi ito sasapat.

Sa mga kapitan pa lamang ng barangay, gulpi na ang mga mambabatas na uuwi sa kanilang distrito.

Ang mas problemado ay ang mga kongresista na mayroong malakas na kalaban sa kanilang distrito.

Kung mapera ang kanilang kalaban at wala naman silang mailalabas, malamang hanggang 2016 na lamang sila.

Kung penitensya para sa mga kongresista ang kawalan ng pork barrel, hindi sila nag-iisa dahil mistulang may pasan ding krus ngayon sina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Juan Ponce Enrile at Sen. Ramon Bong Revilla Jr.

Naniniwala kasi ang ilan na sandaling panahon na lamang at sila ay ipapasok na rin sa selda kapag isinampa na ng Ombudsman ang kasong plunder laban sa kanila.

Wala namang naniniwala na babaliktarin pa ng Ombudsman ang nauna nitong desisyon na isampa ang kaso, dahil sa motion for reconsideration na inhain ng mga sangkot.

Nang ianunsyo ng Ombudsman sa media na mayroon silang nakitang probable cause sa pagsasampa ng kaso, mukhang selyado na ito. Sinunod na lamang ang proseso ng batas na makapaghain ng motion for reconsideration ang mga akusado bago isampa ang kaso, para nga naman hindi masabi na minadali ang pagsasampa ng reklamo.

Naghihintay din ang mga driver ng padyak at tricycle sa Quezon City kung makukulong ang tatlong senador lalo at mayayaman ang mga ito. Gusto nilang makita kung seryoso ang gobyerno na magpakulong ng mayayaman na nasa mataas na puwesto.

May nagsabi naman na kung si Pampanga Rep. Gloria Arroyo, dating pangulo ay nakulong sila pa kaya, eh senador lang sila.

Malamang ay hindi lamang iisang simbahan ang pupuntahan ngayon ng mga pulitiko na hindi pa nababanggit ng Ombudsman na kanilang kakasuhan.

Kung dati ay pakitang-tao lamang ang kanilang pagsisimba ay baka matuto silang magdasal nang mataimtim ngayong Mahal na

Araw ppara hindi sila makulong dahil sa pork barrel scam.

Baka meron pa ring magpapatayo ng simbahan huwag lang makulong.

Kung ang tatlong senador ay parang mga nagpepenitensya dahil sa pasan-pasan nilang krus, baka ang mga opisyal na sabit sa pork barrel scam ay para namang niluluto sa mainit na putik ng kumunoy.

Read more...