AKO po si Billy, dati akong nagtatrabaho sa kumpanya ng garments pero umalis na po ako at inireklamo ko na lang sa Labor ang amo ko na lagi akong minumura at pinapagalitan.
Bukod pa sa lagi akong pinag-iinitan ay pinagbintangan pa ako na isang magnanakaw.
Tama po ba ang ginawa ko at ano po ang laban ko?
Isa pa po sa gusto kong itanong sa Aksyon Line ay sa darating na Mayo 2014 ay mag 60 years old na ako. Pumunta po ako sa SSS office at ang sabi sa akin kailangan kong humingi ng dokumento sa kumpanya para patunayan na nagtrabaho ako sa kanilang kumpanya. Pero paano ako pupunta sa dati kong pinagtrabahuan gayung inireklamo ko na sila sa Labor? Sana po ay mapaliwanagan din ako ng SSS kung ano ang dapat kong gawin.
Thank You
God Bless,
Billy
Tambo,Paranaque
REPLY: Para sa iyo Billy. Maituturing na constructive dismissal ang ginawa sa iyo. Pero dapat ay hindi ka muna umalis sa trabaho at hinintay mo ang
iyong termination.
Kunsabagay, naiintindihan kita na kaya ka umalis sa trabaho ay dahil hindi mo na matiis ang ginagawa sa iyo ng iyong amo.
May karapatan ka rin na malaman kung bakit lagi kang minumura at pinapagalitan.
Dapat ay inalam mo muna ang dahilan bago ka nag-file ng reklamo.
Sa ibang kumpanya ay may sinusunod na internal process kung paano na ang “grievance” ay matutugunan.
May “grievance mechanism” ang ibang kumpanya at maaaring kunin ang kanilang serbisyo.
Sa ngayong naisampa mo sa Labor ang kaso, hintayin na lamang natin ang magiging kapasiyahan sa iyong kaso.
Hindi ka rin dapat mabahala o mawalan ng pag-asa dahil ang DOLE ay laging pumapanig para sa karapatan ng mga manggagawa o sa mga na-aagrabyadong workers
Dir. Nicon
Fameronag
Director
for Communications
Para sa iyong katanungan, Billy: Maaari kang pumunta sa SSS branch office para itanong o ipa-verify ang status ng iyong mga contributions kung nakakapag-remit ba ang iyong dating employer at mas maaga ay gawin mo na ito lalo’t mag-60 years old ka na para na rin sa iyong pension. Sakali namang hindi nakakapag-remit sa SSS ang iyong dating employer ay maaari itong ireklamo kung saan branch ng SSS nasasakupan ng iyong dating pinagtatrabahuhan.
Mayrose Francisco
Head, Media
Affairs Deparment
SSS
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapag- lingkuran sa abot ng aming makakaya.
Kaya naman huwag kayong mag-atubiling sumulat sa Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad st., Makati City.
Maaari rin kayong mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@gmail.com Serbisyo publiko sa AKSYON LINE. Kakampi mo! Maaasahan!