MULING nauwi sa desisyon ang laban nina Manny Pacquiao at Timothy Bradley. Pero hindi tulad noong 2012 nang “himalang” manalo ng split decision si Bradley ay siniguro ni Pacquiao kahapon sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada, USA na wala nang dahilan ang mga hurado na agawin sa kanya ang panalo.
Sa iskor na 116-112 mula kina Craig Metcalfe at Michael Pernick at 118-110 mula kay Glenn Trowbridge ay nabawi ni Pacquiao ang World Boxing Organization welterweight championship kay Bradley.
Ito rin ang unang kabiguan ni Bradley sa 32 laban bagaman marami ang nagsasabi na hindi siya dapat na tinanghal na panalo noong 2012.
Hindi tulad noong una silang naglaban ay naging mas agresibo kahapon si Bradley pero hindi rin tulad noong 2012 ay mas nasa kundisyon kahapon si Pacquiao bagaman hindi niya napatulog o napatumba man lang ang katunggali.
Gayunpaman, nagpunyagi ang Pilipinas sa panalong ito ng 35-anyos na si Pacquiao. “I knew I had to do more in this fight than I did in the last fight,” sabi ni Pacquiao.
“I listened to my corner. I knew I had to do more in this fight than I did in the last fight. I’m happy that the victory is ours.”
Aminado naman si Bradley na natalo siya sa mas mahusay na mandirigma.
“I tried, I really tried,” sabi ni Bradley. “I wanted that knockout. Manny is a great fighter, one of the best in the world. I lost to one of the greatest fighters in boxing. I kept trying to throw something over the top.
That’s what we worked on in camp. That was the plan, but Pacquiao has great footwork.” Ayon sa stats, 35 porsiyento ng 563 suntok na pinakawalan ni Pacquiao ay tumama kay Bradley habang 22 porsiyento lamang ang hitting accuracy ni Bradley.
Mas epektibo rin ang mga jabs ni Pacquiao dahil 23 porsiyento ang tumama kay Bradley kumpara sa 11 porsiyento ng jabs ni Bradley. Nakapagpatama rin ng 148 power punches si Pacquiao habang si Bradley ay may 109 lamang.
Sa umpisa ng laban ay si Bradley ang mas agresibo ngunit sa round two at three ay umpisa nang nadodomina ni Pacquiao ang laban.
Bahagya namang nakabawi si Bradley sa sumunod na dalawang rounds ngunit umpisa round six ay ipinadama ni Pacquiao kung sino talaga ang mas malakas at mas mabilis na boksingero.
“I didn’t want to get careless,” sabi ni Pacquiao. “I picked up more steam in the second half when I made adjustments that Freddie (Roach) gave me in the corner. Bradley was much better than in the first fight we had. He hurt me on the chin.”
Sa round seven at round ten ay muntik nang mapatumba ni Pacquiao si Bradley na tulad ng inaasahan ng marami ngunit nanatiling nakatayo at nag-aabang na magpakawala ng “killer counter punch” na tulad ng ginawa ni Juan Manuel Marquez kay Pacquiao noon ding 2012 pero hindi ito nangyari.
Naging maingat si Pacquiao sa buong laban at umaatake kapag may pagkakataon. Bukod sa nakaganti si Pacquiao sa pagkatalo niya kay Bradley ay naipakita rin niya sa mundo na kaya pa niyang maging kampeon at makipagsabayan sa mga mas batang boxers ng mundo.
“I prove tonight that my journey in boxing will continue,” aniya. Sa pinakahuling round ay nagtamo ng malalim na sugat si Pacquiao sa kanyang kilay sanhi ng isang accidental head butt ngunit dahil ilang segundo na lang bago tumunog ang final bell ay hinayaan na lang na tapusin ni Pacquiao ang laban.
Sa una nilang sagupaan ay nanalo ng split decision si Bradley. Binatikos ito ng mga kritiko at ang dalawang judges na umiskor ng 115-113 na pabor kay Bradley ay hindi na muli pang naging hurado sa professional boxing.
Matapos na matalo kay Bradley ay bumagsak naman sa sixth round si Pacquiao kay Marquez. Ang estilo ng counter puncher na si Marquez sana ang nais gayahin ni Bradley ngunit hindi ito naging epektibo kay Pacquiao kahapon.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ni Pacquiao matapos matalo ng magkasunod noong 2012 upang maiangat din ang ring record sa 56 panalo matapos ang 63 laban.
Marami ang nagsabing dapat na mangyari na ang pagkikita nila ni pound-for-pound king Floyd Mayweather Jr. para malaman kung sino sa kanila ang tunay na mas mahusay.
Pero hindi pakikialaman ni Pacquiao ang patungkol sa susunod niyang kalaban at ipinauubaya na lamang sa kanyang promoter na Top Rank.
“I will leave it up to my promoter,” banggit ni Pacquiao na hindi rin tututulan kung itapat siya sa ikalimang pagkakataon kay Marquez.
Hindi pa nararapat na pag-usapan ang mega fight nina Pacquiao at Mayweather dahil ang walang talong WBC welterweight champion ay magtataya pa ng korona sa Mayo 3 laban kay Marcus Maidana sa nasabi ring venue.
( Photo credit to INS )