Corned beef sa MRT

Nakatatawa lang isipin kung paanong kung minsan ipinalalabas nating tama at para sa ikabubuti ng lahat ang baluktot na mga intensyon sa kapwa.—pagninilay-nilay sa Ebanghelyo sa Sabado ng ikalimang linggo ng Kuwaresma, ayon sa aklat ni Juan (11:45-56)
KUNG mahirap ka pa rin, maghintay ka na lang na yumaman.  Kung mahirap ka pa rin, magtayo ng NGO at lalapitan ka mismo ng magnanakaw na mga kongresista’t senador para pagnakawan ang kapwa mo arawang obrero, ang taumbayan; at kapag nabuking ay mag-state witness sa mga kaaway ng administrasyon, kahit sinong administrasyon.  Kung mataas ang presyo ng kuryente, huwag ka nang gumamit ng kuryente, tutal, brownout naman palagi.   Kung nagugutom ka, magtiis dahil darating na rin ang pagkain.  Kung hanggang ngayon ay hindi ka pa rin nabibigyan ng relip at materyales sa pagpapagawa ng barung-barung, maghintay dahil sa Hunyo raw ay bibigyan ka na ng ayuda mula sa rehab czar.  Kung hindi ka makasakay agad sa MRT, humanap ng ibang masasakyan.
Kung nahihirapan ka na nga sa gobyerno ng Ikalawang Aquino, ang anak nina Ninoy at Cory, wala ka nang magagawa at wala ring magagawa ang gobyerno para sa iyo. “We want to apologize and we are asking for more understanding on their daily sacrifices and experiences.  While we are still awaiting the arrival of more train coaches, the government has been trying to address this problem,” ani Coloma, na ang pangalan ay Herminio.  Huwag ninyong kalilimutan iyan.  Sinabi ni Coloma sa nagdurusang mga pasahero ng MRT na sumakay na lang sa bus, o maghanap ng iba pang masasakyan.  Bago niya sinabi ito, isang dilawan ang natuwa pa nga at sinabing ang dahilan kung bakit umaapaw sa pasahero ang bawat biyahe ng MRT ay dahil maganda ang ekonomiya. Kailanman ay hindi matutuwa ang nagdurusang taumbayan.  Ang ganitong mga pahayag ay insulto, mula sa posisyon ng kayabangan at kung ito’y magmumula sa poder ng gobyerno, ito’y insensitibo.
Libu-libo pa nga raw ang bus sa EDSA at hindi pa siksikan ang mga pasahero rito, ani Coloma.  Libu-libo rin ang mga colorum, ang mga bus na may diperensiya, tulad ng mahina hanggang sa di gumaganang aircon.  Nakasakay din sa mga bus na iyan ang mga mandurukot, holdaper, snatcher.  Marami pa raw ang uri ng transportasyon at puwedeng sakyan ang mga ito. Marami nga ang pampasaherong mga jeepney, ang mga tricycle, pero wala ito sa EDSA.  Mas lalong bawal ang mga tricycle sa main road o highway.  Ang taumbayan, ang mga boss ng pangulo ni Coloma ay sumasakay rito.
Nang mag-alsa sa Internet at media ang mga pinasaringan at tinukoy ni Coloma, humingi siya ng paumanhin.  Hindi malalaman ng mga boss ni Aquino kung may pumuna kay Coloma, kung may nagalit sa Malacanang sa insensitibong pahayag ni Coloma, kaya siya humingi ng paumanhin (muli, tama na naman si Joker Arroyo.  Ang mga nagsasalita sa Palasyo na nasa tabi ng mabahong ilog, ay mga miyembro ng konseho estudyante.  Mantakin na sabihin pa ng isa sa kanila na hindi raw nila ipinangako ang rose garden).
Teka, nakikinig naman pala si Coloma sa boses ng mga boss.  Talaga?  At ipadadala na raw niya sa Department of Transportation and Communication (departamento ng tamad at cuyakoy, DOTC) ang mga suhestiyon ng mga pasahero ng MRT kung paano malulutas ng gobyerno ang napakaraming problema sa tren.  Ha?!  Teka, ang ibig bang sabihin ni Coloma ay hindi alam ni Emilio Abaya, na may dugong Emilio Aguinaldo pa man din, na napakarami ang problema ng mga pasahero ng MRT at dahil sa nag-alsa ang taumbayan sa kanya ay ipadadala na niya ang mga suhestiyon ng mga boss ni Aquino na araw-gabi ay hindi na sardinas ang salansan sa loob ng mga bagon, kundi corned beef na?  Aba’y baka sabihin niya na hindi na masa ang sumasakay sa MRT dahil corned beef na sila, na mas mahal kesa sardinas. O baka naman nabahag ang Malacanang, kasama si Coloma, sa simpatiya na inani ng Train Riders’ Network.
Ito namang si Mar Roxas ay nagbabalik sa Leyte at tutulong na raw.  Ha?!  Pagkatapos niyang paalalahanan ang mga Romualdez na hindi Aquino ang kanilang apelyido?  Pagkatapos niyang ibunton ang sisi sa LGU (local government unit) at kutyain na hindi sila agad na rumesponde makaraang ang delubyo?  Teka, napaaga na ang pagsipa ng politika at talaga nga namang labis-labis na ang paghahanda sa 2016.  Bakit, mananalo ba si Roxas kapag tumakbo siya bilang pangulo? Mahal ba siya ng taumbayan, ng arawang obrero?  Hmph.  Binatikos daw ni Roxas ang mga kapartido (sa Liberal pera, este, Party) dahil hindi nito binigyan ng awtoridad ang alkalde ng Albuera na lumagda sa memorandum of agreement sa DILG (Department of Interior and Local Government) para mabigyan ng pondo mula sa Reconstruction Assistance on Yolanda.  Ang alkalde ng Albuera ay si Ramon de la Cerna, na kaanib ng Lakas.  Ang vice mayor at walong konsehal ng bayan ay kapartido ni Roxas.
Maaaring walang kwenta ang pangyayaring ito sa Metro Manila, sa mga pasahero ng MRT.  Pero, ito’y pagkilos na ng mga nasa poder.  Ito’y patunay na ng paghahanda sa isa na namang hangalan.  Habang abala ang mga pasahero ng MRT sa kadadakdak at pagmumura kina Abaya at Al Vitangcol, isinesemento na ang tuntungan sa panguluhan.
Isa na namang baluktot na intensyon sa kapwa?

Read more...