SINAMAHAN namin sa taping ng Confessions of A Torpe ang kaibigan namin at isa si Albie Casino sa naabutan namin sa set, at mukhang nagbago na nga ang binata dahil ngumingiti na siya, kumpara nu’ng una namin siyang makatsikahan na halos hindi namamansin.
At nanibago rin kami sa ex-boyfriend ni Andi Eigenmann dahil ang laki-laki na ng katawan niya ngayon kumpara noon na patpatin. Biro nga ngamin sa aktor ay kung plano niyang mag-apply ng marshall sa TV5 at natawa naman sa amin sabay sabi ng, “Thank you po.”
In fairness, maganda na ang aura ngayon ni Albie kumpara noong bago-bago pa ang isyu sa kanila ni Andi na parating seryoso at hindi namamansin. Say nga ng common friend namin ni Albie isa sa tinakbuhan ng aktor noong kasagsagan ng isyu nila ni Andi, “Reggee, you have to understand Albie kasi may pinagdadaanan at saka hindi niya alam kung sino ang kakampi niya (press), lahat galit sa kanya.”
At dahil malaki nga ang katawan ng aktor ay biniro ulit namin siya kung sinadya niyang magpalaki ng katawan para maging handa lagi kapag may bugbugang magaganap?
Napangiti lang si Albie at hindi kami sinagot, marahil ay ayaw na niyang maalala pa ang nangyari sa kanya noon.Sabagay, tahimik na nga ang buhay ngayon ng aktor bossing Ervin dahil wala na tayong nababalitaan tungkol sa kanya at inamin din niya na hindi na raw siya masyadong umaalis ng bahay at kung aalis man ay nasa gym lang siya.
Wala raw girlfriend ngayon ang kontrabida ni Mark Neumann sa Confessions of A Torpe dahil, “Wala po akong time, kasi after school, taping o kaya gym po. Doon po ako madalas.”
Aminadong masaya ngayon ang aktor sa regular show niyang Confessions of A Torpe dahil masarap daw katrabaho sina Ogie Alcasid, Gelli de Belen at Alice Dixson, kasama sina Jojo Alejar at Bayani Agbayani. Sabi ni Albie wala raw mga ere ang mga ito kahit sikat na sikat na.
Patuloy din ang pag-aaral ni Albie pero hindi siya pressured kahit nagtatrabaho siya, “Dito sa TV5 understanding sila sa school, sa schedule. ‘Di nila ako pinipilit ‘pag sinasabi kong school ang priority ko, okey lang sa kanila. Nag-a-adjust sila (TV5) para sa akin,” paliwanag ng binata.
Nasa ikatlong taon na ni Albie sa College of Saint Benilde sa kursong Export Management at gusto niyang makatapos ng pag-aaral.
Kaya naman puring-puri niya ang mga kasamahan niya sa Confessions of A Torpe dahil, “lahat po ng tao rito ay sobrang bait, nakatutuwa po ang lahat, so very light ‘yung set namin.”
Plano sana naming magtanong tungkol sa kanila ni Andi bossing Ervin pero nakiusap sa amin ang road manager niya na huwag na lang.
Pero pasimple pa rin naming kinumusta ang binata at ang aktres at napangiti naman si Albie, “okay naman po. Nagkasalubong naman kami, okay lang.”
Hindi na nagkuwento pa ang aktor tungkol dito, na tama rin naman para hindi na nga lumaki pa dahil knowing Andi, baka sakyan niya ang mga sasabihin ng diumano’y itinuturong tatay ng kanyang anak.
Going back to Albie ay ayaw na rin niyang magkuwento tungkol sa isa pang ex-girlfriend niyang si Dawn Jimenez na isang taon lang din inabot ang kanilang relasyon.