SASALUDUHAN ng kampo ni World Boxing Organization (WBO) welterweight champion Timothy Bradley si Manny Pacquiao kung maisasagawa ang knockout panalo kay Bradley sa rematch bukas sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada, USA.
Ayon sa trainer ni Bradley na si Joel Diaz, walang magiging reklamo ang kanilang kampo kung mapatulog ni Pacman ito at masaya nilang lilisanin ang pinagganapan ng laban.
“What we want is the best Manny Pacquiao there could possibly be,” wika ni Diaz sa panayam ni Chris Robinson. “If he knocks out Timothy Bradley, you know what? He was the best man that night and we go home happy.
We’d rather go home with a good defeat than go home with the controversy like the last time we went home,” dagdag ni Diaz.
Matatandaan na tinalo ni Bradley si Pacquiao noong Hunyo 2012 pero nabahiran ang panalo dahil sa kontrobersyal na split decision ito nangyari.
Mahirap tanggapin ang nangyari dahil saan man sila magpunta ay nakadikit na sa kanila ang nasabing kontrobersya at kahit nanalo sila kina Ruslan Provodnikov at Juan Manuel Marquez sa sumunod na dalawang bakbakan ay hindi pa rin nalilimutan ng mga tao ang naganap sa laban kay Pacquiao.
“People don’t understand that we just come to work. People approached us as if we stole something from somebody. Like we’re the biggest thieves in the world,” dagdag ni Diaz.
Kaya’t sa laban bukas, nakikita ni Diaz na madedetermina na kung sino ang tunay na mas magaling kina Bradley at Pacquiao.
Bagamat inihayag na sasaluduhan nila si Pacquiao kung mapatulog ang kanyang alaga, duda pa rin siya kung mangyayari ito.
“I don’t see that spark in Manny. He’s a sleeping ogre but he’s going to wake up that night. We want the best Manny Pacquiao,” dagdag nito.
Sa kabilang banda, handa na si Pacquiao na maipakita sa lahat na nagbalik na ang kanyang bangis na sinasabing nawala na sa huling mga laban.
“I’ll convince people this weekend, prove to them I still have the killer’s instinct,” wika nito.
( Photo credit to INS )