NILINAW ni Jolo Revilla sa nakaraang advanced screening ng “Panday 2” sa SM Megamall cinema 3 na hindi niya nililigawan ang GMA contract artist na si Kris Bernal na kasama ng daddy Bong Revilla niya sa nasabing MMFF 2011 entry.
Say ng aktor, “Wala sa akin lang naman, friends lang. Nagulat nga ako kasi kakadating ko palang dito, panliligaw na kaagad ang tinanong sa akin, sabi ko, teka lang, hindi ko pa nga kaibigan, ligaw na kaagad. Ha-hahaha!”
Hindi rin daw niya tinetext ang dalaga, “Tine-text? Wala, wala pa naman.”
“Pero, nabibighani ako sa kanya, hinihintay ko ba siya? Siguro. Ha-hahaha! Pero friendship muna,” tumatawang sabi sa amin na parang nanggu-goodtime lang.
May iba kasi kaming alam na type ni Jolo at hindi si Kris ‘yun, kaya nagulat kami nang mabasa naming hinihintay niya ang ex-girlfriend ni Jay Perillo.
At nang banggitin namin kay Jolo kung sino ang girl na alam naming type niya ay heto ang sagot niya, “Ha-hahahaha!” Di ba bossing Ervin, mas lalong nakakaloka ‘yun?
Sabay dagdag na, “Maganda ang ‘Panday 2’, grabe hanggang ngayon, kinikilabutan pa rin ako.”
Samantala, tinanong namin kung kasama na sa “Panday 3” si Jolo at kung siya ba ang gaganap na anak nina Flavio (Bong) at Iza Calzado na sa kuwento ay buntis pala nang mamatay.
“Wala pa akong alam, pero pagbubutihin ko kung sakali. Ang ganda ng pelikula, grabe! Siyempre gusto ko ring maging Panday,” pag-amin ng binata.
Samantala, natanong din si Jolo kung totoong hihinto na siya sa showbiz dahil sa sakit niyang severe migraine, sa katunayan ay aalis siya sa unang linggo ng Enero, 2012 kasama ang amang si Sen. Bong para magpa-check-up for second opinion.
“Siguro ‘yun ‘yung pinakamaganda nating gawin after everything, after magpa-check up ako dito, kasi siyempre hindi naman biro ‘yun, eh. Sa ulo, sa brain. So pinakamaganda, dalhin natin sa ibang bansa, just to make sure,” paliwanag ng aktor.
Severe migraine raw ang findings kay Jolo sa St. Lukes Hospital sa Global City nu’ng magpa-check up siya nu’ng una niyang itakbo ang sarili sa hospital galing sa taping ng My Binondo Girl at pinagpahinga muna siya ng mahigit sa dalawang linggo.
Pero kailan lang ay muli siyang itinakbo sa hospital dahil, “Sumasakit-sakit pa rin, hindi naman everyday, siguro once a week or twice, sabi nila migraine attack ang tawag dito. Gusto lang naman natin makasiguro kaya pupunta kami ng Amerika, pero ako nararamdaman ko, migraine lang ito, sana nga migraine lang.
“Si papa may ganito rin siya, pero mas grabe ‘yung sa akin, kaya magpapatingin kami pareho,” kuwento pa ni Jolo.
tama ba kaibigang Leo?