Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
5:45 p.m. Meralco vs Barako Bull
8 p.m. Globalport vsTalk ‘N Text
Team Standings: Talk ‘N Text (8-0); San Miguel Beer (5-2); San Mig Coffee (4-2); Alaska Milk (4-3); Air21 (3-4); Barangay Ginebra (3-4); Meralco (3-4); Rain or Shine (3-3); Barako Bull (2-5); Globalport (0-7)
KAPWA naghahangad na makaiwas sa ikasiyam na puwesto ibubuhos ng Meralco at Barako Bull ang lahat ng kanilang makakaya sa kanilang salpukan sa PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s Cup mamayang alas-5:45 ng hapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa ikalawang laro sa ganap na alas-8 ng gabi, kukumpletuhin ng Talk ‘N Text ang nine-game sweep ng elimination round sa pagkikita nila ng nangungulelat na Globalport.
Ang Bolts ay kasama ng Barangay Ginebra San Miguel, Rain or Shine at Air21 sa kartang 3-4 matapos ang 88-78 pagkatalo sa Gin Kings dalawang Miyerkules na ang nakalilipas.
Sa labang iyon ay nagparada ng bagong import ang Meralco sa katauhan n Darnell Jackson na humalili kay Brian Butch na pinauwi matapos ang anim na laro.
Umaasa si Bolts coach Paul Ryan Gregorio na maipakikita ni Jackson ang kanyang tunay na halaga laban kay Josh Dollard ng Energy. Halos isang buwan nang nasa bansa si Jackson.
Ang Barako Bull ay natalo rin sa kanilang huling laro kontra sa defending champion Alaska Milk, 78-71, at bumagsak sa ikasiyam na puwesto sa kartang 2-5. Bago ang kabiguang ito ay ipinalasap ng Energy sa Philippine Cup champion San Mig Coffee ang kanilang unang pagkatalo, 92-90.
Kung matatalo ang Barako Bull sa Meralco ay malalagay na ito sa balag ng alanganin. Kakailanganin nilang magwagi sa kanilang huling game kontra Globalport sa Linggo at umasang hindi na lalampas sa tatlong panalo ang Barangay Ginebra at iba pa.