NAGTUNGO si Joy sa Bantay OCW sa Radyo Inquirer upang maipaabot sa kinauukulan ang problemang kinakaharap ng kanyang kapatid na nasa Japan.
May pinakasalang Japanese ang kapatid niya, pero nag-asawa itong muli ng isa ring Hapon.
Kwento ni Joy, kamakailan lang niya nalaman na ginamit pala ng kanyang kapatid ang kanyang pasaporte, base na rin sa sumbong ng isa pa nilang kapatid.
Hiwalay sa unang asawa ang kapatid ni Joy, pero nanatili pa rin ito sa Japan hanggang sa nakatagpo ng panibagong lalaki.
Upang makakuha ng Certificate of No Marriage (CeNoMar), ginamit nito ang pasaporte ni Joy. Ibang pangalan na nga naman ang kanyang isinumite. Dahil kung gagamitin niya ang orihinal na pangalan, hindi na siya makakakuha ng Cenomar.
Malaki ngayon ang problema ni Joy dahil siya naman ang nakatakda nang mag-asawa at kailangan niyang kumuha ng Cenomar.
Ngunit hindi na siya makakuha dahil ginamit na nga ito ng kanyang kapatid.
Ipinadala ng Bantay OCW sa Office of Consular Affairs-Passport Division ng DFA si Joy at inasikaso naman siya ni Assistant Passport Director Von Ryan Pangwi
upang paimbestigahan ang naturang reklamo.
Ayon kay Pangwi, maaaring makansela ang pasaporte na gamit ngayon ng kapatid ni Joy at hindi na niya ito magagamit. Magkakaproblema siya ngayon kung paano siyang makakabalik ng Pilipinas dahil mawawalan ng bisa ang hawak niyang passport.
May kaso rin siyang kahaharapin dahil paglabag sa batas ang ginawa ng kapatid ni Joy. Hindi lang iyon, malaking problema rin ito sa sandaling malaman ng kanyang present na mister ang ginawa niyang panloloko.
Kapag nakansela na ang naturang passport ay saka pa lamang makakapag-apply ng Cenomar si Joy upang maisaayos naman ang kanyang pagpapakasal.
Hangad namin na maisaayos ang lahat sa lalong madaling panahon.
Nagreklamo ang ina ni Charlene Matigas, OFW sa Lebanon hinggil sa hindi umano maayos na pagtrato sa anak sa resort na pinagtatrabahuhan doon. Isang email ang natanggap ng Bantay OCW hinggil dito mula kay Atty. Demosthenes Plando na siya namang nilapitan ni Mrs. Matigas sa Iligan City.
Kumilos naman ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) ng Philippine Embassy sa Lebanon at agad nagtu-ngo sa naturang resort si Labor Attache Bulyok Nilong.
Kahit may kalayuan sa siyudad ay sinikap ni Labatt Nilong na makausap ang naturang OFW at alamin na rin ang kalagayan ng iba pang mga Pinoy doon. Nagpadala siya ng report sa tanggapan ni Secretary Rosalinda Baldoz ng DOLE at ipinaalam ang naturang aksyon sa pamilya ni Matigas sa pamamagitan ni Atty. Plando.
Nang muling mag-follow up ang Bantay OCW, ayon kay Labor Attache David Des Dicang mula sa DOLE, na may ipinadalang liham si Charlene sa embahada, ipinadala rin sa pamilya nito, at sinasabi niyang hindi siya ang tunay na Charlene Matigas at may gumagamit lamang umano ng kanyang pangalan upang magreklamo.
At bilang patunay pa nga ay nagtungo si Charlene sa ating embahada sa Beirut at mula doon ay tinawagan si Atty. Plando upang mapatunayang siya ngang talaga ang tunay na Charlene at itinanggi niyang wala siyang ipinadadalang sulat sa kanyang pamilya.
Kaya naman nang tinawagan naming muli si Atty. Plando ay sinabi nga niyang ayos na ang lahat kay Charlene at nagkausap na rin sila pati na rin ang ina nito.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM tuwing Lunes hanggang Biyernes, 10:30 am 12:00 noon. Mapapanood rin sa audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0927.649.9870 E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com