Mahirap lumaki na may dugong Hapon

KAHAPON, Araw ng Kagitingin, ipinagdiwang ng bansa ang katapangan ng mga kawal Pilipino at Amerikano sa Bataan na humantong sa nakakahiyang pagsuko at Death March.

Mga 5,000 hanggang 10,000 kawal Pinoy at 650 kawal Amerikano ang namatay sa malupit na Death March.

Hindi nabilang diyan ang mga namatay sa pakikipaglaban sa Bataan at yung namatay sa pagkakapiit sa concentration camp sa Capas, Tarlac, ang hantungan ng Death March.

Isa sa mga naka-survive sa Death March at pagkakapiit sa Capas concentration camp ay ang aking ama, si Ramon S. Tulfo, na isang second lieutenant.

Ang kanyang kapatid na si Sabas ay nakatakas sa Bataan nang nilabas ang order na sumuko sa mga Hapon.

Ang aking lolo, si Felix Tulfo, na nag-insista na lumaban sa Bataan kahit na siya’y retirado na noon, ay namatay sa Capas dahil sa dysentery o lubhang pagtatae.

Hindi nababanggit ng aking ama ang kanyang mapait na karanasan sa Bataan, sa Death March at sa Capas concentration camp.

Ito’y dahil malaki ang kanyang pagmamahal at paggalang sa aking ina na isang mestisang Haponesa.

Ang tatay ng aking ina, si Fukumatsu Teshiba, ay isang negosyanteng Hapon na galing ng Kyushu Island na namatay dahil sa malaria noong panahon ng mga Hapon.

Kaya’t nang kaming magkakapatid ay lumalaki, hindi pinag-uusapan ang giyera sa aming bahay.

Ang aking ama at ina ay nagkita sa malawak na concentration camp sa Davao City kung saan si Daddy ay na-assign upang imbestigahan ang Japanese war crimes matapos ang Liberation.

Love at first sight ang naramdaman ng tatay ko; ginawa niyang interpreter sa kanyang pag-iimbestiga sa mga dating opisyal ng Japanese Imperial Army.

Ang nanay ko ay scheduled na for deportation to Japan, kasama ang mga half-bred at pure Japanese, kung hindi nagpakasal sila ng aking ama.

Mahirap na lumaki sa mga kampo militar noong dekada ‘50 para sa inyong lingkod dahil sa tindi ng pagkamuhi ng mga Pinoy noon sa mga Hapon.

Nakikisalamuha ako sa kapwa ko bata na anak ng mga sundalo ng aking ama.

Iniiwasan ako o tinutukso ng mga kapwa ko bata dahil ako’y may dugo Hapon.

Karamihan kasi ng mga sundalo ng aking ama ay lumaban sa mga Hapon bilang army regulars o gerilya.

Natatandaan ko pa na narinig ko ang isang sundalo na nagsabi sa kapwa sundalo: “Kung dili lang anak kini ni CO, tuk-on nako ning bataa (Kung hindi lang anak ito ni CO [ibig sabihin, commanding officer, na ang tinutukoy ang tatay ko], sasakalin ko ang batang ito.”

Kami lang yata ang hindi tumatanggi na kami’y may dugong Hapon dahil yan ang turo sa amin ng aking ina.

“Bakit kayo matatakot na aminin na kayo’y may dugong Hapon, wala naman tayong ginawang masama? Ang lolo ninyo ay hindi naman sundalong Hapon, kundi negosyante,” ang palaging sinasabi ng Mommy.

Pero masisisi mo ba ang karamihan na gaya ng nanay ko na itinatanggi nilang may dugong Hapon sila noong mga panahong yun?

Sariwa pa kasi ang mga alaala ng kalupitan ng mga Hapon sa mga Pinoy noong giyera at pagsasakop o Japanese Occupation.

May balita na dumarating sa aming household na may mga binubugbog o pinapatay na mga Pinoy na ang kasalanan lang ay may dugong Hapon sila.

Kaya lang siguro matapang kami noon dahil alam namin na ipagtatanggol kami ng ama na isang opisyal ng Philippine Constabulary o PC.

Kinatatakutan kasi ang tatay ko sa mga lugar kung saan siya naa-assign dahil sa kanyang angking katapangan sa pakikibaka sa kriminalidad.

Read more...