Iwa nag-sorry kay Jodi; may pasabog kay Lacson


Ngayong alas kuwatro nang hapon sa Showbiz Police ay ikalawang sultada na ng panayam namin sa aktres na palaban at walang inuurungan na si Iwa Moto.

Ang bagong nanay, ang pag-ibig ngayon ni Pampi Lacson, ang aktres na pinanghihinayangan ng mga nakarelasyon niyang personalidad dahil kakaiba raw mag-alaga.

Napakasaya at maraming rebelasyon ang aming pakikipagkuwentuhan kay Iwa na ngayo’y ina na ng isang magandang batang babaeng si Mimi na ayon sa kanya’y plakadong-plakado ng itsura ni Pampi.

“Naku, nakakalungkot nga dahil babae ang baby namin, pero ang itsura niya, tatay na tatay niya!” pakomedyang sabi ng gustong-gusto nang magbalik sa pag-arteng aktres pero nagpapapayat pa hanggang ngayon.

Ngayong hapon sa “Cornered By Cristy” ay sesentruhan ni Iwa ang nakaraang masalimuot na isyu sa pagitan nila ni Jodi Santamaria, dating misis ni Pampi, na ngayo’y karelasyon na ni Vice-Governor Jolo Revilla.

Masayang ibinalita ng aktres na tapos na ang hindi nila pagkakaintindihan ni Jodi, maayos na sila ngayon, at lahat ng ‘yun ay ginawa nila para kay Thirdy na anak nina Pampi at Jodi na natutuhan nang ituring na sariling anak ni Iwa.

“Pareho po kaming nagpakumbaba. Ako po ang unang nag-text sa kanya, sinabi ko kay Jodi na kalimutan na namin ang nakaraan, na humihingi ako ng apology sa mga nasabi ko nu’n, sumagot naman siya.

“Ganu’n din ang sinabi niya, kung meron man daw siyang mga nasabi nu’n against me, pasensiya na, kaya mula nu’n, naging maayos na kami.

Mahal na mahal ko po si Thirdy, parang tunay na anak na ang pagmamahal ko sa anak nila ni Pampi,” diretsong pahayag ni Iwa.

Bukas naman ay tututukan namin ang tanong ng marami kung paano ba maging biyenan ang isang matapang at may paninindigang lalaking tulad ni Senator Ping Lacson na sa tingin pa lang ay parang nakakatakot na.

Nakaka-bonding ba nila ang magiting na mambabatas o wala itong ginagawa sa bahay kundi ang paggawa ng mga batas?
Aminado si Iwa, “Nu’ng una po, e, hindi niya ako kinakausap.

Wala lang, pero tumatango naman siya. Pero isa lang po ang masasabi ko. Sa tunay na buhay, e, kabaligtaran siya ng image na iniisip natin,” pakiabangan bukas ang ikatlong bahagi ng aming panayam kay Iwa Moto sa Showbiz Police ng TV5.

( Photo credit to jodiiwafanpage )

Read more...