Gilas nanaig sa PBA All-Stars

INUMPISAHAN ng Gilas Pilipinas ang paghahanda para sa dalawang mahahalagang torneong sasalihan ngayong taon sa pamamagitan ng panalo matapos daigin ang PBA All-Stars Selection, 101-93,  sa 25th PBA All-Star Game na ginanap kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ito ang unang laro ng Nationals matapos ang makasaysayan nitong runner-up finish sa FIBA Asia Championship noong nakaraang Agosto.

Ang Gilas, na hinahawakan ni Vincent “Chot” Reyes, ay inihahanda naman sa pagsabak sa FIBA World Cup at Incheon Asian Games na gaganapin ngayong Agosto at Setyembre.

Dikit pa ang laban sa unang yugto, 28-23, bago isinara ng Gilas ang halftime sa iskor na 49-42. Bigla namang rumatsada ang Gilas sa ikatlong yugto para maiwanan ang PBA All-Stars at makuha ang 82-64 bentahe papasok sa huling yugto.

Napigilan din ng Gilas ang tangka ng PBA All-Stars na makabangon sa ikaapat na yugto. Si Jeff Chan ay kumana ng 17 puntos para pamunuan ang Gilas na may limang manlalaro na gumawa ng double figures.

Si Gary David, na pinarangalan bilang PBA All-Star Game Most Valuable Player, ay nag-ambag ng 15 puntos para sa Gilas habang si June Mar Fajardo ay may 13 puntos.

Sina Jason Castro at Marcus Douthit ay nagdagdag ng 12 at 10 puntos para sa Nationals.Ang dating manlalaro ng Gilas na si Marcio Lassiter ang nanguna para sa PBA All-Stars sa ginawang 12 puntos.

( Photo credit to INS )

Read more...