Aalis siya, magbabakasyon nang ilang araw sa Los Angeles, pero magkikita raw sila ni DJ Mo Twister sa New York.
Nagkausap na raw sila at sasamantalahin nila ang pagkakataon para magkakumustahan, sanggang-dikit kasi ang dalawa, kahit pa sila rin ang madalas na maglaglagan sa ere.
Ayon kay Ruffa ay iniintindi raw ni Mo ang mga pitik namin sa kanya, malungkot daw ang dati naming kasamahan dahil nagagalit kami sa kanya, kaya nagpaliwanag kami kay Ruffa.
Kunsabagay ay kilala na rin siguro kami ngayon ni Mo Twister dahil sa isang taon at kalahati naming pagsasama sa Juicy at Paparazzi, hindi naman ito bobo para hindi makuha ang gusto naming tukuyin, kung nagmamaang-maangan man ngayon ang deejay-TV host ay hindi na namin problema ‘yun.
Kahit naman noon, kapag may mga nagagawang palso si Mo, ay agad kaming kumokontra sa kanya.
Gusto naming ipaintindi sa kanya na kakampi kami nito sa tama, pero unang-unang kalaban sa mali, lalo na sa tulad nito na ang akala ay wala nang mas tatalino pang nilalang sa mundo kesa sa kanya.
Kung nilamon na ng kanluraning kultura si Mo, kailangan nitong malaman na sa ating bansa ay napakamarkado pa rin ng pagrespeto sa mga kababaihan, ang babae ay minamahal at hindi winawasak sa publiko at sinasaktan.