Hindi talaga manggagamit si Derek Ramsay. Ibang prutas ang pinaglihihan ng mommy niya sa kanya, hindi mangga, kaya hindi siya naging user.
Kung iba-iba lang si Derek, siyempre’y hindi muna ‘yun lalantad para sabihing wala silang relasyon ni Kris Aquino, makikiangkas muna sa popularidad ng aktres-TV host ang lalaking ‘yun.
Pero ibang lahi ang pinagmulan ng guwapong hunk actor, ang puti ay puti para sa kanya at hindi puwedeng maging itim, kung ano lang ang totoo ang sinasabi at pinaninindigan niya.
Tulad ngayon, parang bagets na namang kumekerengkeng si Kris sa pagsasabing sa bawat pagkasira ng isang relasyon ay merong darating na lalaking magtatanggal ng lungkot ng babae, si Derek ang tinutukoy nito sa kanyang ipinost sa Instagram.
Kung ibang lalaki lang ang sinasabi ni Kris ay makikipaglaro ‘yun, iha-hang ang kanyang mga sagot sa pang-uurirat ng mga reporters, ie-enjoy nito ang limelight kakawing ang pangalan ni Kris.
Pero si Derek Ramsay ay si Derek. Hindi niya kailangan ng mga ganu’ng kaechosan, naging Derek Ramsay siya dahil sa sarili niyang kredito, talento at pagkatao, hindi niya kailangan ng kahit sinong tao diyan para lang matupad ang kanyang mga pangarap.
‘Yun ang lalaki! May paninindigan. May sariling paniniwala. Hindi siya isang linta na nabubuhay sa dugo ng ibang tao. Siya pa nga ang sinisipsipan ng dugo kadalasan, di ba?
Kaya ibang-iba talaga si Derek Ramsay sa iba. Para sa guwapong hunk actor ay sagrado ang pakikipagrelasyon at hindi isang laro.