Pang-SONA na! | Bandera

Pang-SONA na!

Lito Bautista - April 04, 2014 - 03:00 AM

MAY pang-SONA na si Pangulong Aquino. Ang maaaring pambungad niya ay “hayan, masdan, nakakulong na ang tatlong senador…” Kuwentahin.

Limang araw ang palugit para sumagot at maghain ng motion for reconsideration sina Enrile, Revilla at Estrada, na tatawaging Tatlong Hari; ang reyna, si Mam Janet ni Mar Roxas, atbp.

May 60 araw ang Ombudsman para pagbigyan o ibasura ang mga mosyon ng pandarambong. Sa 60 araw na palugit na ito papasok ang galing ng mga abogado ng Tatlong Hari at Reyna.

Dito magkakaalaman kung mas magagaling sila sa Ombudsman. Maaaring sunugin nila ang 60 araw para hindi umakyat ang kaso sa Sandiganbayan, ang magpapalabas ng mandamyento de aresto.

Maaari ring dumulog sila sa Korte Suprema kung mas matibay at di mapasusubalian ang kanilang dahilan, pero tila mahirap mangyari ito. Dahil sa pagitan ng unang araw hanggang sa ika-60 araw, maaaring magpasya na ang Ombudsman sa unang araw pa lang. Tinawag na nga itong bullet train noon sa kaso ni Gloria.

Magtatagal ang pagdinig ng kaso ng mahigit 10 taon dahil sa dami ng akusado. Roll call pa lang sa korte ay kakain na ng ilang minuto. Kung sabay-sabay ang arraignment, aabutin ito ng dalawang oras o higit pa dahil kanya-kanyang kontra’t pagpapaliban ang ihahain ng mga abogado ng depensa.

Kaya, tiyak na maiinip si Texter …4032 ng President Roxas, Capiz, na nagpupuyos at nagmumura dahil gusto niyang makita na nasa selda na ang kanyang mga ibinoto.

Uubos ng mahabang minuto sa SONA ang pag-uulat ng tagumpay ng NBI, DOJ at Ombudsman sa pagpapakulong sa mga akusado. Ang mga miyembro ng Liberal Party na dadalo sa SONA ay mamamaga ang mga kamay sa kapapalakpak. Dahil pag hindi nila ginawa ito, baka sila ang isunod na kakasuhan dahil marami-rami din namang Liberal ang nambulsa ng pork barrel.

Bakit ang tumanggap lang ang kakasuhan? Bakit hindi kinakasuhan ang nagbigay ng pera? Hanggang ngayon ay hindi sinasagot ang kahilingan ng ililang oposisyon hinggil sa dokumento ng SARO, pekeng SARO at mga opisyal na nagbigay ng pondo.

MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Ako po si Iris Taganna, ng Barangay Libertad, Palo, Leyte. Sana’y mabigyan kami ng mga materyales para magkaroon kami ng maayos na bahay. Marami po ang mga NGO diyan na tumutulong sa tulad namin na nasalanta ng bagyo. Heto po at buntis pa ako. Walang trabaho ang asawa ko ngayon dahil nagsara ang pinapasukan niyang kompanya. Mahirap maghanap ng trabaho dito ngayon. Wala na ring dumarating na relief goods. Ang hirap talaga maka-recover. ….1272

Hanggang ngayon hindi pa natatanggap ng mga biktima ng kalamidad ang tulong mula sa ibang bansa. Si PNoy naman, pasori-sori pa at inaming mahina ang daloy ng tulong. Baka lumabas ang mga goods na iyan sa 2016. Mabuti pa ang ABS-CBN at GMA, bigay lang ng bigay. …2920

Dedma lang kay Sec. De Lima ang dumara-ming kaso ng agaw-motor. Yung nangyari sa Maynila, nakalaya pa ang suspek dahil may piyansa kahit na binaril niya ang rider. Kung dito sa Davao City iyan, malabong makalabas yan. Lagot iyan kay Digong Duterte. Nakaka-disappoint ang mga opisyal, wala silang ginagawa sa krimen. Dapat diyan kamay na bakal, hindi kamay na bakla. Di ba, idol Tulfo? …0292

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Wala nang pag-asang mahinto ang droga dito sa Pasay, lalo na sa Malibay, Maricaban, Pildera at Libertad. Nagpahinga ito noong panahon ni Col. Cuaton. Ngayon at talamak na naman. Nagtutumbahan na ang mga sindikato. Okey lang sana kung nag-uubusan na sila kaya lamang ay may nadadamay na inosente. Hindi naman kami pakikinggan kung lalapit kami kay mayor. Sana’y pakinggan naman kami ni Gen. Valmoria. …9031.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending