Pacman aasang patas ang judging sa laban

INAASAHANG magiging patas ang mga hurado sa rematch nina Manny Pacquiao at World Boxing Organization (WBO) welterweight champion Timothy Bradley sa Abril 12 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada, USA.

Ito ay matapos ilabas ang mga hurado at referee na mangangasiwa sa title fight na handog ng Top Rank. Si Kenny Bayless ang siyang magiging third man sa ring habang ang mga judges ay sina Glenn Trowbridge ng Nevada, Michael Pernick ng Florida at John Keane ng Great Britain.

Ito ang ikaanim na pagkataon na tatayong referee si Bayless sa laban ni Pacquiao. Ang huling pagkataon ay nangyari noong hinarap ni Pacman si Juan Manuel Marquez noong 2012 at nanalo ang Mexicano sa pamamagitan ng sixth-round knockout.

Higit kay Bayless, ang mga mata ay tiyak na nakatuon kina Trowbridge, Pernick at Keane dahil ang mga hurado ang siyang sinisisi sa nalasap na split decision na pagkatalo ni Pacman kay Bradley noong 2012.

Hindi rin ito ang unang pagkataon na uupo bilang mga hurado ang tatlong ito sa laban ni Pacquiao pero sina Trowbridge, Pernick, Keane at Bayless ay unang haharap sa isang laban ni Bradley.

Wala naman naging problema sa kampo nina Pacquiao at Bradley sa mga opisyales na kinuha ng Nevada State Athletic Commission (NSAC) dahil nakikita nila ang integridad ng mga ito.

Maging si Bob Arum ay sang-ayon sa ginawa ng NSAC na isinantabi ang dating nakagawian na kumuha ng dalawang local judges para sa laban na ginagawa sa Las Vegas.

Malaki rin ang posibilidad na maliit lamang ang papel na gagampanan ng mga ito dahil nakikita nina Pacquiao at Bradley na ang laban ay matatapos bago sumapit ang 12th round.

( Photo credit to INS )

Read more...