Inabandona sa UK, napasaya ng NLRC

NAKATANGGAP tayo ng email mula kay Miriam Torren.

Orihinal niyang destinasyon ang bansang Qatar. Ngunit nang magdesisyon ang kaniyang employer na pag-aralin ang anak nito sa United Kingdom, isinama nila si Miriam.

Mahigit isang taon nang nagtatrabaho si Miriam sa kaniyang employer nang magtungo
sila sa UK. Ngunit takang-taka siya dahil pagdating nila sa UK, napansin niyang bigla ‘anyang nagbago ang pag-trato sa kaniya ng mga employer.

Hindi lang nabago ang trato sa kanya ng mga amo, dumating ang panahon na tuluyan siyang inabandona roon.

Kaya naman pagdating ng Maynila, nagpadala siya ng email sa Bantay OCW at personal na nagtungo sa studio ng Inquirer Radio upang humingi ng tulong.

Matapos marinig ang kuwento ni Miriam, pinapunta namin siya sa tanggapan ni Commissioner Teresita Lora ng National Labor Relations Commission (NLRC).

Nakatanggap kaming muli ng email mula kay Miriam.

Ibinalita niyang hindi sila nagkasundo ng kinatawan ng ahensiyang nagpaalis sa kaniya, ang Al Habib agency. Hindi niya ‘anya tinanggap ang offer ng ahensiya.

Matapos iyon, pinayuhan siya ng mediator na maaari na siyang mag-file nang pormal na reklamo laban sa ahensiyang nagpaalis sa kanya.

Gayong hindi sila nagkasundo ng ahensiya, higit na maligaya si Miriam dahil personal niyang nakilala si Commissioner Lora.

Matagal siyang kinausap ni Lora at ipinaliwanag sa kaniya ng detalyado ang mga karapatan ng bawat manggagawa at maging ng mga employer. Pati na rin ang mga kasong maaaring maisampa sa gayong mga paglabag.

Labis na nagpapasalamat si Miriam dahil kung may opisyal ‘anyang katulad ni Commissioner Lora sa NLRC na handang tumugon sa mga katulad niyang ordinaryong OFW, sapat na ‘anya iyon upang kahit papaano, natikman niya ng patiuna ang katarungan.

Hangad niya na matapos sa lalong madaling panahon ang kasong isinampa sa NLRC upang makapagsimula siyang muli na makapag-plano sa susunod na mga araw. Pakiusap pa niya sa Bantay OCW na sana’y mabantayan ang kaso niya, hanggang sa madesisyunan ito.

Nang makapanayam namin si Commissioner Lora sa Inquirer Radio, nabanggit namin ang email ni Miriam at nagpasalamat din si Lora na marinig ‘anya ang nakatatabang pusong mga pahayag mula sa OFW.

Dagdag pa ni Lora, ayon na rin sa direktiba ni Chairman Gerardo Nograles ng NLRC, higit nilang pinaigting ang pagresolba ng mabilis sa mga kasong hinahawakan ng kanilang mga tanggapan.

Zero docket ‘anya si Lora noong December 2013. Ibig sabihin lamang, sa pagtatapos ng 2013, natapos din niya ang lahat ng mga kasong naka-assign sa kaniyang tanggapan.

Sa ngayon ‘anya, mga kasong pumasok ng Pebrero 2014 na ang kaniyang tinatrabaho. Gayong nangangahulugan ito ng dagdag na sakripisyo dahil mas nagtutuon siya ng maraming oras sa mga kaso ng NLRC, okay na ‘anyang wala muna siyang sariling buhay tulad ng mga pam-personal na bagay. Hindi na rin nakakapag-bukas ng kaniyang email at maging sa social media at iba pa.

Masaya ding ibinalita ni Lora na 97-98% na kinakatigan ng Court of Appeals at maging ng Korte Suprema ang kanilang mga desisyon sa NLRC.

At palibhasa’y final and executory ang mga desisyong inilalabas ng NLRC, nilinaw ni Lora na kung sakaling mag-aapila ang natalong partido, at magsasampa ng kaso sa mataas na mga hukuman, kinakailangan pa ring ipatupad kaagad ang desisyon ng NLRC na bayaran na ang nanalong partido.

Read more...