San Mig, Talk ‘n Text magkakasubukan

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
5:45 p.m. Globalport vs Rain or Shine
8 p.m. San Mig Coffee vs Talk ‘N Text
Team Standings: Talk ‘N Text (6-0); San Mig Coffee (3-1); San Miguel Beer (5-2); Alaska Milk (3-3); Meralco (3-3); Air21 (3-3); Rain or Shine (2-3); Barangay Ginebra (2-4); Barako Bull (2-4); Globalport (0-6)

PAGHAHANDAAN ng nangungunang Talk ‘N Text ang pagresbak ng San Mig Coffee sa kanilang pagtutunggali sa PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s Cup mamayang alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Sa alas-5:45 ng hapon na opening game, ipaparada ang Rain or Shine ang bagong import na si Devon Chism kontra nangungulelat na Globalport.

Ang Talk ‘N Text, na nakarating na sa quarterfinals, ang tanging koponang hindi pa nakakatikim ng kabiguan sa torneo at may 6-0 record.

Subalit sinabi ni Tropang Texters coach Norman Black na ang pagharap sa Philippine Cup champion Mixers ay isang napakalaking sukatan kung hanggang saan sila makakarating.

Sinimulan ng San Mig Coffee ang kampanya sa pamamagitan ng tatlong sunud-sunod na panalo kontra Globalport (91-75), Barangay Ginebra (90-80) at Rain or Shine (91-74).

Subalit sinayang ng Mixers ang 16 puntos na abante papasok sa ikaapat na yugto kontra Barako Bull at natalo, 92-90, noong Martes.

Ang Tropang Texters ay pinamumunuan ni Richard Howell na bagamat 6-foot-7 lang ang sukat ay isang mahusay na rebounder.
Siya ay susuportahan nina Jimmy Alapag, Jason Castro, Kelly Williams, Larry Fonacier at Ranidel de Ocampo.

Read more...