Ika-16 diretsong panalo dinagit ng San Antonio


DENVER — Umiskor ng 27 puntos si Marco Belinelli at nagdagdag ng 20 puntos  si Tim Duncan para pangunahan ang San Antonio Spurs sa 133-102 panalo laban sa Denver Nuggets kahapon sa NBA.

Ito ang ika-16 diretsong panalo ng Spurs (56-16) na kasalukuyang hawak ang best record sa buong liga. Ang reserve player ng Spurs na si Patty Mills ay umiskor naman ng 16 puntos at si Kawhi Leonard ay may 14 puntos.

Si Randy Foye ay umiskor ng 20 puntos at si Kenneth Faried ay may 18 puntos at 13 rebounds para sa Nuggets.

Heat 110, Pistons 78
Sa Auburn Hills, Michigan, kumulekta ng  17 points, 12 assists at 10 rebounds si LeBron James sa loob lamang ng tatlong quarters para pangunahan ang kulang sa taong Miami Heat.

Dahil malaki na ang lamang ng Heat at hindi na pinaglaro sa final period si James. Gayunman, nagawa pa rin ni James na makabuo ng triple double na ika-37 sa kanyang NBA career.

Hindi nakapaglaro kaapon para sa Miami sina Dwyane Wade, Mario Chalmers, Ray Allen at Greg Oden.Nagbigay suporta naman kay James sina Udonis Haslem na may 17 puntos at Chris Bosh na may 15 puntos at siyam na rebounds.

Sina Greg Monroe at Will Bynum ay kapwa umiskor ng 12 puntos para sa Pistons.

Wizards 91, Pacers 78
Sa Washington, nakaganti kahapon ang Wizards sa dalawang pinakamasaklap na kabiguang natamo ng koponan sa season na ito. Dalawang beses binasura ng Pacers ang Wizards na lumamang ng pinagsamang 47 puntos.

Kahapon ay gumawa ng 20 puntos at walong assists si John Wall at humirit ng 17 puntos at 12 rebounds si Marcin Gortat para tulungang talunin ng Washington ang top team ng East ng 13 puntos.

Read more...