Sa totoo lang, sa totoong-totoo lang, napakaraming tumatawag-nagte-text sa amin ngayon na nabuhay na naman ang pagkainis kay Kris Aquino tungkol sa pangungutya-pangmamaliit ng aktres sa kanyang dating asawang si James Yap.
Hindi na naman nabantayan ni Kris ang kanyang emosyon nang patulan niya sa Twitter ang isang tagasuporta niya na nagsabing sana’y silang dalawa na lang uli ni James ang magsama kesa sa bagong nauugnay sa kanya na si Mayor Herbert Bautista.
Ang sagot ni Kris ay masyadong masakit para sa ama ni Bimby, paano mo raw ba naman kasi bibigyan ng pagkakataon ang sarili mo na makipagbalikan pa uli sa isang taong milyones ang natanggap mula sa kanilang paghihiwalay (annulment)?
Natural, naging magaspang na naman ang tekstura ng dila ni Kris, nagmaasim na naman siya, hindi man lang niya inisip na ang lalaking tinutukoy niya sa mapakla niyang sagot ay ang mismong nakasalo niya sa kaligayahan nang buuin nila si Bimby, walang pakundangan ayon sa aming mga kausap ang dila ni Kris Aquino.
“Ang alam ko kasi sa mga educated people, kahit sobrang galit na sila, e, idinadaan pa rin nila sa magandang paraan ang galit nila. Educated si Kris, di ba?
Matalino siya, pero ang mga pinagsasasabi niya tungkol kay James Yap, e, nag-iimbita uli sa kanya para kumuha ng GMRC 101,” komento ng isang kausap namin.
Oo nga naman. Ang sinasabing mukhang pera ni Kris ay ang lalaking naging boyfriend niya, pinakasalan at nagkaanak pa sa kanya, kaya dapat ay hindi niya minemenos si James Yap.
Ginusto niya naman ang nangyari, namuhunan naman silang pareho sa binuo nilang relasyon, kaya bakit hanggang ngayon ay pera pa rin ang palaging ikinukuda ni Kris kapag si James na ang napag-uusapan.
Masakit ‘yun para kay James Yap na hindi niya naman basta natalisod lang sa kung saang tambayan, hindi niya naman napulot lang sa kung saang pusalian ‘yung tao nang makilala niya, milyones na rin ang halaga ng kontrata ng basketbolista sa Purefoods nang maging mag-asawa sila.
Sabi nga ng isang propesor naming kaibigan, “You talaga, Kris, you’re so mean!” Ubos!