San Miguel, Alaska magtutuos sa Laguna

Laro Ngayon
(Alonte Sports Arena,
Biñan, Laguna)
5 p.m. Alaska Milk vs San Miguel Beer

Team Standings: Talk ‘N Text (6-0); San Miguel Beer (5-1); San Mig Coffee (3-1); Meralco (3-3); Air21 (3-3); Rain or Shine (2-3); Alaska Milk (2-3); Barangay Ginebra (2-4); Barako Bull (2-4); Globalport (0-6)

PATATATAGIN ng San Miguel Beer ang kapit nito sa ikalawang puwesto sa sagupaan nila ng Alaska Milk sa PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s Cup mamayang alas-5 ng hapon sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.

Ang Beermen ay may 5-1 record at sumesegunda sa nangungunang Talk ‘N Text na may malinis na 6-0 karta. Ang defending champion Aces ay may dalawang panalo lamang sa limang laro.

Matapos na matalo sa Tropang Texters, 107-99, ang Beermen ay bumawi at nagposte ng tatlong sunud-sunod na panalo kontra sa Rain or Shine (112-107), Barako Bull (106-100) at Globalport (109-92).

Pinatunayan ni Kevin Jones, na lalaro sa kanyang ikalimang game buhat nang halinhan si Joshua Boone, na tama ang ginawang pagpapalit ng Beermen.

Ayon kay San Miguel Beer active consultant Todd Purvis ay hindi pa 100 percent healthy ang Beermen. “But I’m proud of the way that my hurting players are performing so far,” aniya patungkol kina June Mar Fajardo, Solomon Mercado at Chico Lanete.

Ang San Miguel Beer ay binubuhat nina Most Valuable Player Arwind Santos, Marcio Lassiter, Chris Lutz at Doug Kramer.
Ang Alaska Milk, na nabigong makarating sa semifinals ng nakaraangPhilippine Cup, ay patuloy na nangangapa.

Subalit sila ay galing sa 88-78 panalo kontra Air21 noong Marso 17. Hindi nga lang alam ni coach Luigi Trillo kung nakabuti sa kanila ang 11 araw nilang bakasyon.

“We have to believe in what we are doing defensively. In our losses, we’re been breaking down in terms of defense,” ani Trillo.
Ang Aces ay sumasandig sa nagbabalik na si Rob Dozier, ang Best Import ng torneo noong nakaraang season.

Si Dozier ay sinusuportahan nina Cyrus Baguio, Calvin Abueva. Sonny Thoss, JVee Casio at Dondon Hontiveros.

Read more...