DAHIL nasa gitna ng fault line at daanan ng mga bagyo, isang “ticking time bomb” ang Metro Manila. Sa isinagawang survey ng Swiss Re, isang international reinsurance company, ang Metro Manila ang ikalawa sa pinakapeligrosong siyudad kung natural disasters ang pag-uusapan.
Nangunguna ang Tokyo-Yokohama sa Japan. “Besides being exposed to frequent tropical cyclones and storm surges, many cities in the region are also located in zones of high seismic activity, including Tokyo, Taipei, and Manila,” ayon sa Swiss Re sa ulat.
Ibinase ng Swiss Re ang kanilang survey sa mga siyudad na maaaring tamaan ng lindol, bagyo, storm surge, tsunami at pagbaha.
Sakaling magsabay-sabay na tumama sa isang siyudad ang mga ito, lagpas 3.5 milyon ang masasawi.
Ipinunto ng Swiss Re na dahil sa Manila Bay ay madalas binabaha ang Maynila tuwing tag-ulan. Ang ilan pang siyudad na nasa listahan ang mga sumusunod: Tehran sa Iran, Los Angeles sa United States, Shanghai River sa China, Kolkata sa India, Nagoya sa Japan, Jakarta sa Indonesia, Osaka-Kobe sa Japan, at ang Pearl River Delta sa China.