LIKAS sa tao ang pagiging matulungin.
Nasaksihan natin yan nang ang ating mga kababayan sa Kabisayaan at labis na naapektuhan ng bagyong Yolanda noong isang taon.
Bumuhos ang tulong mula sa iba’t-ibang bansa.
Dahil sa samu’t-saring mga pang-aabuso na dinaranas ng ating mga kababayan, lalo yung mga kababaihan na nasa Middle East, higit na nararamdaman sa kanila ang espiritu ng bayanihan. Sila mismo ay madalaing lapitan, kaagad tumutulong at ang iba’y nagkukusa pang sumapi sa mga organisasyon para makatulong.
Pero matindi ang resulta ng pagtulong na sinapit ng OFW na si AG. Ayon kay AG, nananalaytay sa kanya ang pagtulong.
Palibhasa’y laki sa hirap, para na rin ‘anyang nakikita niya sa ating mga kababaihan ang paghihirap ng sariling ina, na labis na nagsumikap upang maigapang lamang silang magkakapatid upang maka-pagtapos ng pag-aaral.
Noong una’y mabuti naman ang motibo ni AG na makatulong. Sineryoso nito ang pagtugon sa lahat ng klase ng tulong na hinihingi ng ating mga kababayan. Sinasaklolohan niya ang mga babaing OFW na tumatakas o mga ran-away sa mga abusadong employer.
Madalas ang mga isinasagawang rescue ni AG. Basta nanganib ang buhay ng isang OFW, hindi na pinatatagal ang pagtulong, kahit katumbas pa noon ay pagliban sa trabaho.
Magandang hangarin nga naman! Dahil puwede nating ipagpalit ang pera para sa buhay, pero hindi maaaring ipagpalit ang buhay para sa pera.
Dati rati, kapag nakaka-rescue na siya ng mga takas na OFW, agad niyang dinadala iyon sa ilang grupo ng mga kababaihan o di kaya’t idederetso na niya sa ating embahada o konsulado, kung saan malapit ang pinangyarihan.
Ngunit nang bandang huli, napag-isip-isip ni AG na mas mabuti pa kaya kung iuuwi na lamang muna niya sa kaniyang inuupahang tuluyan ang mga babaeng nare-rescue bago niya i-coordinate sa mga kinauukulan.
Mas ligtas ‘anya sa kaniyang lugar kaysa ibyahe ang mga ito dahil mas delikado at baka daw sila masundan pa.
Yun pala ay may masamang motibo ang nagbabalatkayong rescuer!
Ang bawat babaeng mare-rescue pala nito ay minomolestya niya. Walang magawa ang mga babaeng na-rescue. Sunud-sunuran na lamang sila. Walang nag-rereklamo, sa pag-aakalang gayon nga ang dapat mangyari dahil tinulungan naman silang makatakas mula sa malulupit na mga amo.
Sa loob-loob nila, maaaring iyon na rin ang kapalit ng pagtulong sa kanila.
Nagkaroon din ng instant cook, labandera at househelp si AG dahil sa mga na-rescue niyang OFW.
Pero merong isang OFW na hindi na nakayanan ang pang-aabuso ni AG, at nagsumbong na sa otoridad.
Pormal nang inireklamo si AG.