“ANG hirap – hindi ako perpekto!”
Ito ang umiiyak na pahayag ng Kapamilya TV host-actress na si Iza Calzado habang ikinukuwento ang mga hirap na pinagdaanan at pinagdaraanan niya hanggang ngayon sa mundo ng showbiz.
Naging emosyonal si Iza habang iniinterbyu sa The Bottomline With Boy Abunda at natanong tungkol sa ilang personal na bahagi ng kanyang buhay, “Ang hirap sa industriya na pilit kang ginagawang perpekto, pilit kang imina-market na perpekto,”
aniya habang tuloy ang pagtulo ng kanyang luha.
Mula raw noong naging artista siya, ito na raw ang dillema niya, ang gawin lahat para maging perpekto sa mata ng publiko na kahit hirap na hirap na siya ay kailangang itago niya ang tunay na nararamdaman para hindi ito makita ng mga tao.
Pareho nang patay ang mga magulang ng ni Iza nang dahil sa cancer, namatay ang kanyang amang si Lito Calzado noong 2011 habang ang ina niyang si Mary Ann ay pumanaw noong 2009.
Dito inamin ng aktres na kahit noong bata pa lang siya ay kinailangan na niyang maging matapang para mabuhay nang maayos, aniya, hindi naging madali ang pakikitungo niya sa kanyang nanay. Ito’y dahil na rin sa naging problema ng ina sa kanyang ama na balitang naging sugarol noon.
“Siyempre frustrated siya (nanay), frustrated siya sa bahay, sa family, frustrated siya sa buhay niya. When she sees me, I’m a reminder of my father, so may mga bagay na siguro na nagawa siya na masakit. I’m sure masakit para sa kanya, pero masakit lalo para sa akin,” kuwento ng dalaga.
At ito nga ang dahilan kung bakit nagkaroon siya ng excessive emotional eating na nagpataba nang bonggang-bongga sa kanya.
Pahayag pa ni Iza, “All these years, napaka-private ko. Iwas talaga ako tsismis. It’s very hard for me to have to talk about my family like this.
“Pero kailangan din para maipakita sa lahat… I’m sure merong manonood nito at sasabihin niyang, ‘Hindi pala ako nag-iisa.’ Kasi po noong lumalaki ako, feeling ko ako lang ‘yung ganu’n. Pero ngayon, alam ko na hindi lang ako ang dumaan sa ganu’n,” aniya pa.
Dagdag pa niya, “Ang hirap po, hindi ako perpekto. Ang hirap sa industriya na pilit kang ginagawang perpekto, pilit kang imina-market na perpekto. Ang demands para sa ‘yo para maging perpekto, napakalaki. Uusisain ka, kikilatisin ka ng tao, kahit in person. Minsan nakakabastos na,” chika pa ni Iza habang umiiyak.
At sa panghuling mensahe niya, “Taas-noo ka pa rin dahil alam mo na meron kang pinapahalagahan, meron kang purpose…I will prevail, I will succeed, because the world, our lives go beyond that (pisikal). That is my purpose. There is always something deeper and more powerful than what is seen, and that is what matters most.”