DALLAS — Kinamada ni Dirk Nowitzki ang pito sa kanyang 32 puntos sa overtime para pangunahan ang Dallas Mavericks sa 128-119 pagwawagi laban sa Oklahoma City Thunder sa kanilang NBA game kahapon.
Nagtala rin si Nowitzki ng 10 rebounds at anim na assists. Sa pagkatalo ng Dallas sa Brooklyn noong Lunes, si Nowitzki ay tumira ng 2 for 12 mula sa field para sa pinakamasama niyang shooting performance ngayong season.
Pinamunuan ni Kevin Durant ang Oklahoma City sa ginawang 43 puntos. Umiskor siya ng 25 puntos sa 36 diretsong laro na siyang pinakamahabang scoring streak sa ngayon magmula nang magtala si Michael Jordan ng 40-game run noong 1986-87 season.
Ang Dallas ay mayroong pitong manlalaro na umiskor ng double figures. Si Jose Calderon ay tumira ng 6 for 8 mula sa 3-point range at nagtapos na may 22 puntos. Umiskor si Russell Westbrook ng 23 puntos para sa Oklahoma City.
Cavaliers 102, Raptors 100
Sa Cleveland, kumana si Dion Waiters ng 24 puntos habang si Luol Deng ay nagdagdag ng 19 puntos para sa Cleveland Cavaliers na pinigilan ang Toronto Raptors na makalapit sa playoff spot.
Sinayang ng Cavs ang itinalang 21-puntos na bentahe subalit nakagawa naman nilang mahalagang plays sa huling bahagi ng laro para wakasan ang five-game losing streak sa kanilang homecourt.
Hindi pa rin nakalaro para sa Cleveland si All-Star point guard Kyrie Irving, na hindi nakapaglaro sa ikalimang sunod na laro bunga ng injury sa kaliwang balikat.
Gumawa naman si Kyle Lowry ng 22 puntos para sa Raptors, na may pagkakataon sanang itabla ang laro sa huling mga segundo subalit nakagawa si Greivis Vasquez ng turnover may 1.9 segundo ang nalalabi sa laban para mauwi ng Cavs ang panalo.
Lamang ang Toronto sa iskor na 95-94 may 6:45 ang natitira sa laro subalit tumira sila ng 1 of 9 mula sa floor at umiskor na lamang ng limang puntos magmula rito.
Nag-ambag naman si Tristan Thompson ng 15 puntos at 13 rebounds para sa Cleveland.
( Photo credit to INS )