Orcullo kinapos sa Guangzhou finals

MINALAS sa bola si Dennis Orcullo para maisuko ang 13-7 pagkatalo kay Chu Bingjie ng China sa pagtatapos kahapon ng 2014 Guangzhou Open sa Guangzhou, China.

Umabot sa 64 ang manlalarong sumali sa kompetisyong itinakda mula Marso 23 hanggang 26 at nakapasok sa race-to-13 finals si Orcullo nang talunin sa quarterfinals si Dang Jinhu, 11-9, at Wu Kun Kin, 11-6, sa semifinals.

Sa kabilang banda, si Chu ay nakalusot kay Lo Li Wen ng Taiwan, 11-10, sa quarterfinals bago isinunod si dating World Junior champion Ko Pin Yi ng Taiwan, 11-4.

“Nakauna si Chu at medyo malas pa sa bola si Dennis. Hindi pa call-shot ang labanan,” wika ni Perry Mariano na manager ni Orcullo sa pamamagitan ng Bugsy Promotions.

Ang panalo ni Orcullo, na isa sa tumanggap ng President’s Award sa nakaraang PSA Annual Awards Night, ay nagkakahalaga ng 70,000 yuan o humigit-kumulang na P507,045  habang si Chu ay nagbulsa ng 150,000 yuan o halos P1,086,525.

Ang stablemate ni Orcullo na si Carlo Biado ay sumali rin sa torneo ngunit bumagsak siya kay Li Wen Lo ng China, 11-10, sa round-of-32.

( Photo credit to INS )

Read more...