“HINDI naman ako nandidiri sa ginagawa namin ni Vin Abrenica!” Ito ang siniguro ni Alwyn Uytingco sa mga eksena nila ng utol ni Aljur Abrenica sa bagong soap opera ng TV5, ang Beki Boxer.
Ayon kay Alwyn, nu’ng una raw ay naiilang pa sila ni Vin sa kanilang intimate moments sa serye, lalo na sa mga tagpong kailangan nilang maglandian at mag-loving-loving, pero nu’ng masanay na sila sa mga pinaggagagawa nila, naging natural na ang mga kilos nila.
Meaning, ready na siyang magpahada sa kapwa lalaki! Ha-hahaha! In fairness, ito na ang pinaka-big break ni Alwyn sa showbiz simula nang mag-artista siya, dahil bukod sa siya talaga ang bida rito, title role pa siya.
Gagampanan ng boyfriend ni Jennica Garcia sa serye ang karakter ni Rocky, isang bading pero sisikat dahil sa taglay niyang galing sa pagboboksing.
Sey ni Alwyn nang makachika namin siya sa presscon ng Beki Boxer, ito na ang pinaka-challenging na role na nagampanan niya bilang bading. Ilang beses na kasi siyang naging beki sa pelikula, kabilang na ang movie ni Ai Ai delas Alas na “Ang Tanging Ina”.
“Nakatatlong pelikula yung Ang Tanging Ina at bading ako sa lahat. Kaya hindi na ako nagdalawang-isip na gawin itong Beki Boxer. Unang-una, title role na ito na sobra kong kinatuwa.
Matagal na akong gumagawa ng mga teleserye sa TV5 at halos lahat kontrabida ako or melodrama. “This time, comedy na may konting drama.
Pero ang kabuuan ay comedy siya kaya bakit ko naman siya hindi gagawin? Feeling ko naman na kahit na sinong alukin ng role na ito sa Beki Boxer ay tatanggapin niya.
Iba kasi, e, and I feel lucky na sa akin inalok ang role na ito,” sey naman ni Alwyn sa interview ng News5 sa kanya.
Kuwento pa ni Alwyn, iba’t ibang atake rin ng pakabading ang gagawin niya rito, bukod pa ‘yan sa matinding training na pinagdaanan niya para maging makatotohanan ang pagiging boxer niya.
“Pang-professional boxer nga ang naging training ko para sa show na ito. Ako naman, sanay na ako sa martial arts. Nag-Muay Thai na ako before dahil sa role ko dati sa Cassandra: Warrior Angel last year.
“Naging sport ko rin ang boxing dahil big fan ako ni Manny Pacquiao. Kaya todo ensayo tayo kasi big boxing scenes ang kukunan namin muna.
“Sinasabayan ko rin ng diet, disiplina sa pagkain at bawal ang gumimik at mapuyat. Kailangan alagaan ko ang sarili ko para okay parati ang kondisyon ng katawan natin,” aniya.
Tungkol naman sa loveteam nila ni Vin Abrenica, tiyak daw na maaaliw ang mga manonood sa tandem nila sa Beki Boxer kung saan makaka-love triangle naman nila si Danita Paner.
“Pag-aagawan namin dito ni Danita si Vin. Si Vin kasi, kababata ko siya na matagal ko nang crush pero hindi niya alam na may gusto ako sa kanya, hindi niya alam na beki pala ako.
“Sabay kaming nag-eensayo sa boxing, pero hindi niya alam na pinapantasya ko siya kapag nagte-training kami. Siyempre, may kontrabida sa amin at si Danita iyon.
Abangan nila ang mga eksena namin ni Danita. May tarayan kami rito dahil kay Vin,” natatawang sey pa ni Alwyn.
Magsisimula na ang Beki Boxer sa March 31, Lunes, 7 p.m. sa TV5. Ito ang kapalit ng Let’s Ask Pilipinas.
Makakasama rin dito sina John Regala, Christian Vazquez, Joross Gamboa, Candy Pangilinan, Cholo Barretto, Kristel Moreno, Claire Hartell at Onyok Velasco, sa direksiyon ni Jade Castro.
May pahabol pa pala si Alwyn, hindi naman daw nila ginaya ang My Husband’s Lover ng GMA, “Feeling ko, mako-connect lang siya because of the gender issue. Pero the whole concept is very different in the sense that it also involves a sport.”